EASY FOOD IDEAS NGAYONG VALENTINE’S DAY

FOOD IDEAS-1

(ni CT SARIGUMBA)

MARAMI sa atin ang tila kinakabahang magtungo sa restaurant o mga mall dahil nga sa kumakalat na virus. Kung puwede nga namang umiwas sa matataong lugar, sadyang mas pipiliin natin ang umiwas. Mahirap nga namang magkasakit o ang magsisi sa bandang huli.

Ilang araw na nga lang naman ay ipagdiriwang na natin ang Araw ng mga Puso. At para maging masaya at romatic ang selebrasyon, hindi naman kailangang magtungo pa sa restaurant o hotel. Dahil kahit na nasa bahay lang kayo, magi­ging espesyal pa rin ang pagdiriwang ng Valentine’s Day sa pamamagitan ng pag-aayos ng inyong tahanan at higit sa lahat, ang pagluluto ng espesyal na putahe para sa iyong minamahal.

Kaya naman, sa mga nag-iisip ng puwedeng ihanda ngayong nalalapit na Araw ng mga Puso, narito ang ilan sa simple, madaling ihanda at walang kasing sarap:

VEGAN RAMEN

SPICY SEAFOOD SPAGHETTISa mga hindi gaanong nahihilig sa karne, isa sa maaari ninyong subukang lutuin ay ang Vegan Ramen. Ngayong panahong ito nga naman ay nauuso na ang vegan food. Health conscious na nga naman ang karamihan sa atin.

Simpleng-simple lang naman ang paggawa ng Vegan Ramen. Ang mga kakailanganin sa paggawa nito ay ang vegetable oil, green ­onions, bawang, luya, dried shitake mushrooms, vegetable broth, tubig, toyo, miso paste, maple syrup, soft tofu, vegan ramen noodles, spring onions at spinach.

Sa pagluluto nito, magsalang ng lutuan, painitin saka lagyan ng mantika. Pagkatapos ay i-saute ang bawang, sibuyas at luya.

Pagkatapos ay isama na ang dried shitake mushrooms at i-saute ng 2 minuto. Isama na ang vegetable broth, tubig, toyo, miso paste at maple syrup. Pakuluin. Haluin ang mga sangkap. Pagkatapos ay pahinaan ang apoy at hayaan lang na kumulo.

Pagkatapos ay isama na ang tofu at ramen noodles at lutuin ito sa loob ng 2 minuto o hanggang sa lumambot ang noodles.

Kapag malambot na, ilagay na ito sa bowl saka budburan o lagyan sa ibabaw ng spring onions at spinach.

SPICY SEAFOOD SPAGHETTI

Sa mga mahihilig naman sa spicy at spag­hetti, swak na swak namang ihanda ang Spicy Seafood Spaghetti.

Madali lang din itong gawin. Sa paggawa nito, ang mga kakailanganin ay ang mantika, bawang, sibuyas, red chillies, kamatis, spaghetti noodles at seafood gaya ng mussels at shrimps, parsley o celery.

VEGAN RAMENSimple lang din ang pagluluto nito. Magsalang lang ng lutuan at lagyan ng mantika. Isama ang bawang, sibuyas at chillies saka gisahin. Ilagay na rin ang tomato o kamatis na hiniwa-hiwa ng pino. Timplahan ng asin at paminta.

Pagkatapos ay isama na ang clams at mussels. Lagyan na rin ng tomato sauce, haluin saka takpan. Lutuin hanggang sa bumukas ang shell.

Pagkatapos ay ibuhos na ito sa nilutong noodles o pasta. Budburan ng chillies, olive oil, celery at parsley. Ganoon lang kasimple, puwede na itong ihanda o pagsaluhan.

ESPRESSO MARTINI

Isa pa sa puwedeng ihanda at pagsaluhan ay ang Espresso martini. Ang kakailanganin lang sa paggawa nito ay ang vodka, simple syrup, coffee liqueur at freshly brewed espresso.

Pagsamahin lang ang lahat ng mga sangkap sa isang shaker kasama ang yelo. I-shake sa loob ng 5-10 segundo. Pagkatapos ay ilipat o isalin na ito sa cocktail glass. Bago i-serve, lagyan ito ng ilang pirasong coffee beans.

Puwedeng-puwede nating ma-enjoy ang Va­lentine’s Day kahit na nasa bahay lang. Mag­handa lang ng mga espesyal na lutuin at inumin.

Hindi rin naman kailangang gumastos pa ng mahal para lang makapaghanda ng masarap. Dahil sa simpleng sangkap o recipe, paniguradong makapagluluto ka ng putaheng kaiibigan ng iyong partner. Basta’t maging madiskarte lang. (photos mula sa bbcgoodfood.com, rachaelraymag.com, drizly.com)

3 thoughts on “EASY FOOD IDEAS NGAYONG VALENTINE’S DAY”

Comments are closed.