DALAWA sa 22 isinumiteng ebidensiya ng kampo ni Senador Antonio Trillanes ang hindi tinanggap ng korte.
Sinabi ni Judge Andres Soriano ng Makati RTC Branch 148 na ang mga ito ay ang ebidensiyang naglalaman ng printout ng official facebook page ng Department of National Defense (DND) at ang exhibit 12 na nagpapakita ng lumang litrato ni Trillanes dahil hindi aniya ito authenticated.
Tinanggap naman ni Judge Soriano ang karamihan sa mga ebidensiya kabilang ang mga galing sa Defense Adhoc Committee for amnesty at iba pang sertipikasyon ng aplikasyon para sa amnestiya ni Trillanes.
Samantala, humirit ng karagdagang limang araw ang kampo ni Trillanes sa Makati City RTC, Branch 150 para sagutin ang komento at pagtutol ng DOJ kaugnay sa hiling na ibasura ang warrant of arrest laban sa kanya.
Agad naman kinontra ng DOJ ang hiling ng kampo ni Trillanes na hindi tinutulan ng abogado ni Trillanes na si Atty. Reynaldo Robles, sa paghahain ng komento ng prosecution.
Binigyan ng naturang sala ang prosecution para maghain naman ng rejoinder.
Ayon sa hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Rogelio Simon, nakaantabay ang kanilang puwersa para sa desisyong ilalabas ng korte laban sa senador.
Tiniyak nito na sapat ang bilang ng kanilang puwersa para mag-comply sa resolution na ilalabas ng hukuman. MARIVIC FERNANDEZ