DAHIL sa kanilang puspusan at makabagong pamamaraan ng pagpapalaganap ng impormasyon para sa karapatan ng manggagawang Filipino, tumanggap ang Employees Compensation Commission (ECC) ng parangal para sa strategic communication sa ginanap na 35th ASEAN Social Security Association (ASSA) conference and board meeting sa Nha Trang, Khanh Hoa Province, Vietnam.
Sa temang “Challenges and Opportunities of ASEAN social institutions in the context of the 4th Industrial Revolution and Free Flow of Labour,” nagsama-sama sa nasabing okasyon ang lahat ng social institution sa South East Asia upang itaguyod ang regional cooperation sa lahat ng gawain ukol sa social security para makamit ang pag-unlad at pagpapanatili ng social security protection sa rehiyon.
Ang parangal ay bilang pagkilala sa pagpupunyagi ng ECC na maipaabot sa mga Filipinong manggagawa ang lahat ng impormasyon para sa kanil-ang karapatan, benepisyo at pribilehiyo sa ilalim ng Employees Compensation Program (ECP) sa pamamagitan ng puspusan at makabagong paraan ng pagpapalaganap ng impormasyon.
Tinanggap ng ECC ang parangal, sa pangunguna ni ECC Chairperson-Alternate at DOLE Undersecretary Jacinto Paras at ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis, mula kay Dr. Suradej Waleeitikul, ASSA Chairman.
Kasabay rin ng nasabing okasyon, na ginanap mula Setyembre 17-21, ang pagdiriwang ng ika-20 taong pagkakatatag ng ASSA. PAUL ROLDAN
Comments are closed.