ECC: NA-OSPITAL O HINDI, MANGGAGAWANG NAGKASAKIT NG COVID-19 DAHIL SA TRABAHO MAAARING TUMANGGAP NG BENEPISYO NG EC

IPINAHAYAG  kamakailan ng Employees Compensation Commission (ECC) na ang mga manggagawang nagkasakit ng Covid-19 na may kaugnayan sa trabaho ay maaaring tumanggap ng benepisyo sa ilalim ng Employees’ Compensation Program sila man ay naospital o hindi.

“Ito ay para sagutin ang mga katanungan ng mga manggagawang nagkasakit ng Covid na may kaugnayan sa trabaho ngunit hindi sila naospital,” pahayag ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.

Simula pa ng 2020 ay nagbigay na ng benepisyo ang ECC para sa mga nagkasakit ng Covid-19 na may kaugnayan sa trabaho sa ilalim ng teoryang “increased risk” kung saan ang pagkakasakit ay maaaring mabayaran sa kondisyon na ito ay makapagbibigay ng sapat na katibayan na ang pagkakasakit ay may kaugnayan sa kanyang trabaho.

Noong Abril 6, 2021, inaprobahan ng ECC ang Board Resolution No. 21-04-14, kung saan kasama ang Covid-19 sa listahan ng occupational and work-related disease.

“Habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga manggagawang nagkakasakit ng Covid-19, nais naming paalalahanan ang lahat na maaaring mabayaran ang magkakasakit ng Covid-19 anuman ang kalubhaan nito at kung ang manggagawa ay naospital, gumaling sa isang quarantine facility, o sumailalim sa home isolation,” ayon kay Direktor Banawis.

“Binibigyang-diin namin na ang benepisyong Employees Compensation Program (ECP) ay iba pa sa benepisyong ibinibigay ng PhilHealth, ng Social Security System (SSS) at ng Government Service Insurance System (GSIS). Hindi rin kailangang ubusin ng empleyado ang kanilang sick leave credit upang makatanggap ng benepisyong EC.

Sa ilalim ng EC Program, ang manggagawang nagkasakit ng Covid-19 dahil sa trabaho ay maaaring makatanggap ng mga benepisyo ng EC benefit tulad ng EC daily sickness, medical at disability benefit.

Sa kabilang banda, ang mga kwalipikadong dependent ng manggagawang nasawi dahil sa Covid-19 na nauugnay sa kanyang trabaho, ay maaaring tumanggap ng EC death na may benepisyo sa pagpapalibing.

Inihahain ang aplikasyon para sa EC sa SSS para sa mga empleyado ng pribadong sector at sa GSIS para sa mga empleyado sa pampublikong sector.