‘ECO-FRIENDLY’ BULK EXPANSION NG MANILA HARBOR CENTER INILUNSAD

ANG Manila Harbor Center (MHC), ang pinakamalaking pasilidad para sa bulk at break bulk na kargamento sa Pantalan ng Maynila ay mas pina­laki pa ang kapasidad matapos makumpleto ang dagdag na mga eco-friendly bulk cargo bays (BCB) at pagpapalalim o dredging ng mga daungan upang maserbisyuhan ang mas malaking pang sasak­yang-dagat.

Ang mga bagong pasi­lidad ay nagdagdag sa bilang ng mga BCB mula dalawa hanggang lima at epektibong tinaasan ang kapasidad ng terminal nang higit sa 100 porsiyento mula 24,000 hanggang 55,000 metriko tonelada at may lunan na 6,650 metro kuwadrado.

Inilalagay ang mga kargamento sa loob ng bodega may pitong metro ang taas na layong mabawasan ang polusyon sa kapaligiran ng operasyon dahil sa pag-iwas ng pagkalat ng alikabok.

“Kung ikukumpara sa mga bukas na imbakan na nangangailangan paggamit ng mga nakalamina na sako, ang mga BCB ay nanga­ngailangan lamang ng kaunting takip dahil pinapaliit nito ang ibabaw ng kargamento na nakalantad sa mga ele­mento. Pinipigilan ng mga BCB ang pagguho ng kargamento sa tulong ng drainage at mga daanan na nagreresulta sa minimal na tapon at isang mas malinis na kapaligiran sa pantalan,” ani Jennifer Olaer-Salazar, Safety Head ng MHC.

“Patuloy naming pinapanatiling malinis ang lugar sa paligid ng mga BCB sa pamamagitan ng pagwi­wisik sa kalsada, pagwawalis at pagbubuhos ng tubig sa gulong ng mga ekwipo upang matiyak ang kalidad ng hangin sa kapaligiran,” dagdag pa nito.

Para sa mga gawaing dredging, kinuha ng MHC ang Prime Metro BMD bilang kontraktor para laliman pa ang 865-metrong daungan o berth sa Terminals 1 at 2 at ang 240-metrong berth sa Terminal 3. Kapag natapos na ang dredging, mas lalalim pa ang Terminals 1 at 2 nang higit sa 10.5 metro at ang Terminal 3 ay magkakaroon ng 8.7 metro.

“Inihahanda namin ang MHC sa mas maraming kalakal habang ang bansa ay patuloy na bumaba­ngon mula sa pandemya at naghahanda upang ganap na buksan ang ekonomiya. Ang pagpapalalim ng aming mga daungan ay magbibigay-daan sa amin upang maserbisyuhan ang mas malalaking barko at karagdagang kargamento,” diin ni Geraldine Santos, MHC commercial head.

Ang MHC ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga kliyente nito upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagsasaa­yos ng pasilidad at mga daungan nito pati na rin ang pagpapahusay ng serbisyo.