PINURI ng Ecowaste Coalition ang eco-friendly campaign ni senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano kasabay ng panawagan sa ibang mga kandidato na gumawa rin ng paraan upang maabatan ang krisis ng polusyon sa bansa.
Ang hakbang ng naturang grupo ay bilang reaksiyon sa desisyon ni Cayetano na gawin na lamang sa digital platforms ang kanyang campaign trail sa halip na mag-imprenta ng posters, flyers, at iba pang mga tradisyunal campaign material.
“Nagpapahayag ito ng kanyang malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang misyon na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan,” wika ni Zero Waste Campaign Officer Jove Benosa.
Hinikayat ng Ecowaste Coalition ang iba pang mga kandidato na tularan ang ginawa ni Cayetano at maghayag ng plataporma at plano para sa kapaligiran lalo na at isa ang Pilipinas sa mga apektado ng climate change.
“Maganda po kung ang bawat kandidato ay may malinaw na plataporma at kongkretong ambag o sagot sa lumalalang problema sa polusyon at environmental crisis,” ayon kay Benosa.
Batay sa datos na nakalap ng eco-waste coalition, lumalala ng 30% to 40% ang basurang naiipon tuwing halalan dahil sa sangkaterbang mga campaign material na nakakalat lalo na sa mga kalsada sa buong bansa. Ito ay bukod sa tinatayang 16.6 metriko toneladang basura na naiipon taon-taon sa Pilipinas kaya naman ang ating bansa ang ikatlo sa pinakamalalang solid waste polluter sa buong Southeast Asia.
“Maliban sa unsightly litter and illegal waste dump o mga tambak, nagdudulot din ang campaign waste ng dagdag na trabaho at kapaguran sa ating mga kolektor ng basura at sa mga sektor na namamahala sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran,” ayon pa kay Benosa.
Sinabi pa ng koalisyon na dapat tingnan ng mga botante kung paano mangampanya ang mga kandidato dahil ito ay repleksyon ng kanilang karakter.
“Dapat pong maging sukatan ito ng ating mga mamamayang botante sa pagpili ng bawat tumatakbong kandidato sapagkat ito ay repleksyon ng personal na katauhan ng kandidato, at sumasalamin sa malinaw na bitbit nilang programa sa kalikasan at lumalalang problema ng polusyon sa ating bansa,” dagdag pa ni Benosa.
Kinilala rin ng EcoWaste Coalition ang panawagan ni Cayetano sa kanyang mga supporter na magtanim na lang ng mga puno at bakawan sa kanayunan at pasukin ang urban farming sa mga siyudad sa halip na magpaimprenta ng mga campaign material bilang suporta sa kanyang pagbabalik-Senado.
“Malaking tulong kung ang lahat ay mahimok na kumalinga sa kalikasan – tulad ng pagtatanim ng puno, mangroves, pagtatayo ng urban vegetable and vertical gardens sa kani-kanilang komunidad at pamayanan,” giit pa ni Benosa.
Matatandaang nagdesisyon si Cayetano na gawing digital ang kanyang campaign trail ngayong halalan at maging ang mga motorcade ay iiwasan na rin niyang gawin upang makatulong sa kapaligiran.
“Nakikiusap ako sa ating mga supporters na kung gusto ninyo pong sumuporta, imbes na gumastos pa sa tarpaulin or kung anuman, magtanim ng puno, ng mangrove, or kung nasa city kayo, marami pong bagong style ng urban farming,” ayon kay Cayetano.
Matatandaang noong February 7 ay inihayag ni Cayetano na magiging eco-friendly ang paraan ng kanyang pagbabalik-Senado upang ‘di na makadagdag sa tambak ng basura tuwing halalan. “Napakagandang halimbawa at inisyatiba po ito sa ating mga kandidatong naghahangad ng posisyon at maglingkod sa sambayanan,” pahayag ni Benosa.