ECO-FRIENDLY GIFT WRAPPING TIPS

GIFT WRAPPING-2

(ni CT SARIGUMBA)

KARAMIHAN sa atin ay sandamakmak ang binibigyan ng regalo. Hindi nga naman puwedeng pinipili lang natin ang ­ating binibigyan. Kumbaga, kung nag-abot tayo ng regalo sa isang kamag-anak, pamangkin, kaibigan, inaanak o anak, kailangang bigyan din natin ang iba pa na malapit sa ating puso. Mahirap nga naman ang may magtampo.

Kunsabagay, hindi rin naman tayo pumapayag na may magtampo dahil lang hindi natin nabigyan ng regalo. Lahat nga naman, gusto nating maging masaya kaya’t pinagkakasya natin ang budget na mayroon tayo para mabilhan lahat ng mga gusto nating bigyan ng regalo, lalong-lalo na ang mga taong mahaha­laga sa atin.

Naghahanap din tayo ng mura o sale na regalo para lang mapagkasya ang perang mayroon tayo. Ang ilan naman, gumagawa ng sariling regalo o nagluluto at nagbe-bake.

Kunsabagay, hindi lang naman pagbili ng regalo ang puwede na­ting gawin dahil swak na swak din ang paggawa. At dahil paniguradong marami tayong baba­luting regalo ngayong Pasko, narito ang ilan sa mga alternatibo o eco-friendly na pambalot na maaari nating gamitin:

BASKET AT BOX

Isa sa pinakamagandang puwede nating magamit na alternati­bong lalagyan ng regalo ay ang basket at box. Sa ngayon nga naman ay napakaraming basket at box na puwede nating pagpilian. Bukod sa maraming magagandang basket at box na maaaring pagpilian, magagamit din ito ulit.

Murang-mura lang din ang mga basket at box. Practikal din ang paggamit nito bilang alternatibong pambalot ng regalo.  May iba’t iba ring laki ang basket at box na swak sa iyong pagbibigyan.

LUMANG MAGAZINE

Marami sa atin ang mahilig magbasa ng magasin. May mga magasin din na itinatago natin at ang ilan naman ay itinatambak na lang sa bodega.

Kaysa nga naman nakatambak lang ang magasin sa bodega o kuwarto, puwedeng-puwede itong ilabas ngayong Pasko at gami­ting alternatibong pambalot ng regalo.

Piliin lang ang mga pahinang makukulay nang magkaroon din ng buhay ang inyong ibibigay na regalo.

Maaari rin iton lagyan ng ribbon o kaya naman iba’t ibang klase ng tali na nakuha mula sa grocery at ribbon o tali na natanggap noong nakaraang Pasko.

TELA O SCARF

Swak na swak din ang paggamit ng scarf o kaya naman tela ngayong Pasko bilang pambalot ng regalo.

Sa paggamit ng tela, piliin lang ang makulay at magandang klase at ito ang gamitin. Puwede rin naman ang mga lumang scarf. Kung walang lumang tela o scarf, puwede na ring bumili ng bago dahil tiyak na magagamit pa ito ng inyong pagbibigyan.

GARAPON O BOTE

Sa panahon din ngayon ay may iba’t ibang klase ng garapon o bote.

Maaari rin itong magamit na lalagyan ng ating ipanreregalo.  May iba’t ibang klase rin nito at laki kaya’t tiyak na makapag-iisip o makahahanap ka ng magandang maaari mong mapaglagyan.

Puwede rin itong magamit kaya’t hindi masasayang.

Sa panahon nga naman ngayon ay napakarami nating puwedeng magamit na alternatibong bagay na pambalot ng ating ipanreregalo.

Bukod sa eco-friendly ito, mas lalo pang gaganda ang iyong regalo dahil sa presentasyon nito.

Ang mga ibinahagi namin sa inyo ay ilan lamang sa alternatibong paraan o bagay na maaaring gamiting pambalot ng regalo ngayong Pasko. (photos mula sa zoella.co.uk, earth911.com)

Comments are closed.