BICOL-IBINIDA ng isang Bikolano ang kaniyang gawang eco-friendly handicraft na nagtataguyod ng pangangalaga sa kapaligiran bilang isang pamana.
Ayon kay Salvador Gebilaguin, tubong Monreal, Masbate, pinagsasama-sama niya ang mga bagay na karaniwang itinatapon o scrap tulad ng mga plastik na bote ng soft drink, walang laman na seashell, cellophane, mga piraso ng kahoy, wire na pangtali at iba pang materyales na maaaring gawing magagandang handicraft.
Dagdag pa nito, sa pagbili aniya ng kanilang mga handicraft ay isang malaking tulong sa kanilang misyon na pangalagaan ang kalikasan at itaguyod ang kalinisan at pagmamahal sa inang bayan.
Pinagsisikapan aniya nila na itaguyod ang mga eco-friendly na kasanayan na angkop para sa henerasyon ngayon.
Nilalayon nito ayon pa kay Gebilaguin na bawasan ang basura sa kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang talento upang muling gamitin ito sa may layuning mga likha.
“Sa pamamagitan ng prinsipyo ng Reduce, Reuse at Recycle, maaari tayong mag-ambag sa isang mas malinis na kalikasan sa pamamagitan ng pagbawas sa mga basurang nakikita natin kahit saan” pahayag nito.
RUBEN FUENTES