ECO-FRIENDLY NA KAMPANYA NGAYONG HALALAN, SUPORTAHAN

IT’S a new day! Sa kauna-unahang pagkakataon, may mamumukod tanging campaign trail ang isang pambansang kandidato ngayong halalan.

‘Di gaya ng nakaugalian, hindi mag-iimprenta ng posters, flyers, at iba pang campaign materials ang nagbabalik-senado na si dating Speaker Alan Peter Cayetano. Maski motorcade ay walang balak gawin ang dating speaker sa loob ng 90 day campaign period na pormal na nag-umpisa nitong nakaraang Martes.

Gagawin ni Cayetano ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng digital platforms kasabay ng paglulunsad ng kanyang eco-friendly, lead by example campaign trail.

Oo nga naman, kayang-kaya na ng kahit na sinong kandidato na maglunsad ng isang digital campaign sa pamamagitan ng iba’t ibang social media platforms dahil ayon sa Pulse Asia, 63% na ng mga Pilipino ang may access sa internet. Praktikal din ang hakbang na ito dahil hindi na kailangang umikot ng isang kandidato sa buong bansa lalo na ngayong may banta pa ang COVID-19.

Gets ko at ng maraming Pilipino ang desisyong ito ng dating speaker. Sa totoo lang, gabundok na basura ang iniiwan ng mga poster at iba pang campaign material pagkatapos ng halalan.

Marami ring puno ang nabibiktima dahil pinapakuan ang mga ito ng campaign posters maliban pa sa isang laksang mga papel na nasasayang na ginagamit bilang campaign material ng mga kandidato.

Nakakabilib ika-nga ang istilong ito ni Cayetano na eco-friendly campaign dahil sa wakas ay may nagmalaksakit sa kalagayan ng kapaligiran kapag panahon ng halalan.

Kasabay nito pinakiusapan din ni Cayetano ang kanyang mga supporters na huwag na ring mag-imprenta ng campaign materials bilang tulong sa kanyang kampanya. Sayang lang aniya ang tinta at papel na gagamitin bagkus hinimok niya ang mga ito na suportahan siya sa kanyang social media campaign para makabalik sa Senado.

Kasabay nito hinikayat ni Cayetano ang taumbayan na sa halip salaulain ang kapaligiran ngayong panahon ng kampanya ay magtanim ang mga ito ng iba’t ibang puno at bakawan sa mga kanayunan.

Mas maigi rin aniyang isapuso ng mga nasa siyudad ang pagpapalaganap sa urban farming at green wall gardening para makatulong sa pang araw-araw na gastusin lalo na ngayong panahon pa ng pandemya.

Pabor tayo sa sinasabi ng dating speaker na walang karapatan ang kahit na sinong kandidato na lapastanganin ang gumandang estado ngayon ng kapaligiran dahil sa nangyaring sunod-sunod na paghihigpit sa galaw ng mga tao dahil sa COVID-19.

Kaya, umaasa si Cayetano na susuportahan siya ng mga tao at tututukan ang kanyang kampanya sa facebook at sa iba pang social media platforms upang hikayatin ang tao na ibalik siya sa Senado.

No poster, no flyers at no campaign material, campaign trail? Puwedeng-puwede! Sana all.