ECONOMIC CHA-CHA SINUPORTAHAN

Joey Sarte Salceda

SUPORTADO ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang panukalang mga pang-ekonomiyang amyenda sa 1987 Constitution, lalo na ang mga probisyong sumasakal sa pagpasok ng mga dayuhang puhunan sa bansa upang lalong mapabilis ang pag-unlad ng Filipinas.

Ang tinutukoy niya ay ang mga hakbang na ginagawa sa kasalukuyang Kongreso na naglalayong amyendahan ang ilang pang-ekonomiya probisyon sa 1987 Constitution na nagbabawal sa mga dayuhang mamumuhunan na maging may-ari ng mahigit sa 40 porsiyento ng kapital sa ilang industriya, lubos na pagbabawal sa kanila sa  ‘public utilities’ at media o pamamahayag, at mga industriya sa likas na yaman.

Ayon kay Salceda,  chairman ng ‘House Ways and Means Committee,’ ang naturang mga pagbabawal ang dahilan kung bakit naging kulelat at napag-iwanan ang Filipinas ng mga karatig bansa nito gaya ng Vietnam, Thailand at Malaysia na naging matagumpay at mabilis ang pagsulong at pag-unlad sa tulong mga dayuhang puhunan,

“Binalangkas ang mga nakasasakal ng probisyon ng ating Saligang Batas sa panahon kung kailan lupain ang pinaka-mahalagang angkla ng ekonomiya. Hindi na iyan totoo ngayon. Walang gaanong halaga na rin sa mga dayuhang korporasyon ang mag-ari ng lupain sa ating bansa,” paliwanag ng mambabatas na isang respetadong ekonomista.

“Ang naging bunga na naturang mga mapanakal na probisyon ay ang mga lokal na monopolya at oligopolya o mga dambuhalang kompanyang pag-aari ng mga Pilipino na hindi naman gaanong mahusay ang serbisyo sa publiko,” dagdag biya.

“Sa ngayon. kailangang masusing pag-aralan natin ang nakalatag na mga panukalang amyenda sa Saligang Batas. May mga panukalang nakatuon lamang sa ekonomiya, at may iba namang ang nais ay malawakang pagbabago. Ang pinagtutuunan ko ay ang  mga pang-ekonomiyang probisyong sumasakal sa ating ekonomiya, bagama’t bukas din ang isip ko sa mga sadyang kailangang pagbabagong politikal.

“Ganon pa man, ang lahat ng naturang mga panukala ay dapat dumaan sa masusing pag-aaral at tamang proseso, Sa totoo lang sakal na rin sa oras, Kailangang pormal na mapagpasiyahan ang mga ito bago matapos ang Oktubre o bago sumapit ang paghain ng kandidatura ng mga tatakbo sa 2022 halalan,” paliwanag ni Salceda,

Noong una pa, sinabi na niyang sadyang dapat repasuhin na ang ating Saligang Batas at kailangang itugma ito sa kasalukuyang mga hamon ng panahon lalo na ang mabisang pagsulong ng kapayapaan at pagkakaisa ng lahat ng mga Filipino.

Kasama sa mga pangunahing layunin ng Cha-cha noon ang lalong paigtingin ang ‘decentralization’ ng pamahalaan, palawakin lalo ang kapangyarihan ng mga LGU, lalo na ‘yung mga nasa labas ng “Imperial Manila,” at ilapit sila sa yaman ng bansa upang higit na mahusay nilang mapangasiwaan ang direksiyon ng kanilang pagsulong at pag-unlad.

Comments are closed.