‘ECONOMIC’ CHARTER CHANGE, SUPORTADO NI SEN. GO

SA gitna ng panawagan na amiyendahan ang 1987 Philippine Constitution, nagpahayag naman si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ng suporta para sa constitutional amendments ng economic provisions ng Saligang Batas dahil sa kasalukuyang sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa.

Sa kanyang pagdalo sa paglulunsad ng Malasakit Center sa Gov. Roque Ablan Sr. Memorial Hospital sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Pebrero 11, sinabi ni Go na napapanahon ang charter change sa economic provisions dahil sa pangangailangan na makaakit ng mas maraming foreign investors ngayong bagsak ang ekonomiya ng bansa at maraming Pinoy ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

“Iba po ang panahon ngayon, kailangang luwagan konti ang mga investors na gustong pumasok dito sa atin. ‘Pag maraming investors, mas maraming trabaho ‘pag may magbubukas kahit na dayuhan,” ani Go.

Paglilinaw naman ni Go, ang tanging sinusuportahan lamang niya ay ang economic revision ng Konstitusyon at hindi ang iba pang probisyon na ang magbebenepisyo lamang ay mga politiko.

“’Wag ‘pag ang pulitiko ang makikinabang…I am against it … thirty-four years (old) na po ang Constitution hanggang dun lang po ako sa economic provisions, ‘Pag ang makikinabang po ang pulitiko, no way,” aniya pa.

Nauna rito, ibinahagi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tinalakay ng mga mambabatas kay Pang. Rodrigo Duterte ang pag-amiyenda sa Konstitusyon sa Nobyembre.

Iminungkahi naman umano ng Pangulo na amiyendahan ang ilang economic provisions at ang party-list system, ngunit tinutulan nito ang pag-amiyenda sa mga probisyon na may kinalaman sa pagpapalawig ng kanilang termino. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.