TAHASANG sinabi ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, sa mga kasaping ‘business leaders’ ng Makati Business Club (MBC) kamakailan na tigilan ang pananakot sa sarili at suriin ang ‘economic fundamentals ng bansa.
Ito ay kaugnay umano sa pagbagsak ng ekonomiya.
Sa taunang MBC General Membership Meeting sa Makati Diamond Residences, hinimok din ni Salceda ang ‘business leaders’ na pag-aralan ang kanilang ‘unjustified hostile posture’ kay Pangulong Duterte. “Sa loob ng 10 taon, lahat ng mga kontrobersiyal na sinabi ng Pangulo ay makakalimutan na ngunit ang mga reporma niyang ginawa sa ekonomiya ay mananatili at isusulong ang ating bansa sa kaunlaran,” paliwanag niya.
Tiniyak nito na kahit ang mga kontrobersiyal na desisyon ng Pangulo ay naaayon sa “universalizable principles” at totohanan siyang maka-kaunlaran kung susuriin lamang nating masusi ang “policy direction” ng bansa. “Halimbawa, sa isyu ng ABS-CBN, tila nakapako ang pang-unawa ng mga mamumuhunan sa dating matigas niyang mga pahayag, ngunit mali iyon at walang ebidensiya na ganu’n nga ang mangyayari. Ang prangkisa ng CBCP na hayagan niyang kalaban ay inaprubahan ng Pangulo,” puna ng mambabatas.
“Gayun pa man, nakatakda nang talakayin ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN. Kahit na ang masalimuot na ‘water concessions’ ay malamang pahahabain sa ilalim ng usapan kung saan sangkot ang Asian Development Bank,” dagdag niya.
“Sa pangkalahatan, matuwid ang naging mga pasiya ng Pangulo, at tama ang mga panuntunang isinusulong niya, kasama na ang ‘TRAIN 1, excise taxes on sin products, CITIRA, PSA’ at malalaking impraestrukturang gaya noong 1954 sa ilalim ng ‘war reparations. Sa ngayon, ‘sustainable’ ang mga impraestrakturang isinusulong na mababa ang “debt-to-GDP ratio,” paliwanag niya.
“Hindi ko maunawaan kung bakit masyadong tinatakot natin ang ating sarili. Sa totoo, habang maraming negosyante ang tinatakot ang kanilang sarili, lalo namang gumaganda ang mga negosyong kalmado lang at tumututok sa totohanang mga isyu. Dapat tayong matakot kung may isyu sa ating ‘macro-economic fundamentals. Ang totoo, ang pagsulong ng ating ekonomiya ay hindi mapupulaan saan man sa mundo, at mahinusay natin itong naisasaayos sa kabila ng mga kalamidad. Ang tanging dapat nating katakutan ay ang pagkatakot,” madiin niyang sinabi.
Pinuna ni Salceda na malimit na magpayo ang ilang ‘business analysts’ ng walang matinong katuwiran na ipagbili na lamang ang negosyo. Ang payo ko naman ay suriing mabuti ang ating ‘fundamentals.’ Kung ito’y pagka-OA lamang na usong-uso ngayon, sige, bilhin natin ang mga iyan,” payo niya.
Giit ng kongresista, dapat isiping mabuti ng mga negosyante ang ‘inis’ nila kay Duterte na hindi gaya ng ibang naging Pangulo na matamis mangusap sa mga pulong na pangnegosyo ngunit masyado namang umiiwas sa pangkaunlarang mga panukala. Tanging si Duterte lamang ang Pangulong handang itaya ang kanyang sarili at ‘political capital’ tungo sa tunay na pag-unlad, kaya tigilan na natin ang pananakot sa ating sarili,” pangwakas na pahayag nito.
Comments are closed.