ECONOMIC MANAGERS HINAMON NA BUHAYIN ANG KANILANG PAMILYA SA P10,000

MONEY

HINAMON ng isang Makabayan congressman ang mga economic manager na buhayin ang kanilang mga pamilya sa P10,000 lamang na budget kada buwan.

Ito ay kasunod ng pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na hindi matatawag na mahirap ang isang pamilya na may limang miyembro kung may budget na P10,000 kada buwan.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, makabubuting subukan ng mga economic manager na mamuhay sa loob ng kahit anim na buwan na may P10,000 lamang na budget kada buwan at saka sila magsalita kung ito ba ay sapat para buhayin nang marangal ang isang pamilya.

Masyado aniyang malayo sa katotohanan ang mga pag-aaral at figures na sinasabi ng NEDA sa buhay ng mga ordinaryong Filipino.

Giit naman nina ACT Teachers Rep. France Castro at Antonio Tinio, isang malaking insulto para sa mga manggagawa na kumikita lang ng P10,000 kada buwan na maklasipika sa above poverty threshold.

Samantala, sinabi naman ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), na isang  malaking  insulto sa mga Filipino, lalo na sa mga maralita, ang inilatag na budget ng NEDA  na  P127 para sa pagkain kada araw ng limang miyembro ng pamilya.

Ayon kay Tanjusay, dapat bawiin ng NEDA ang pahayag na ito at  maglabas ng public apology si NEDA Usec. Rosemarie Edillion.

Aniya, kung ito ang standard ng gobyerno sa pamumuhay ng bawat pamilyang Filipino ay malaki itong problema at kamalian.

Dagdag pa ni Tanjusay, sa naging pagkuwenta ng ALU-TUCP ay kailangan ng P1,200 na kita bawat araw para mabuhay nang maayos ang isang pamilya na may limang miyembro.

Kaugnay nito, nagpaliwanag ang NEDA sa pahayag nila na kayang mabuhay nang disente ang isang pamilya na may limang miyembro sa budget na P10,000 kada buwan.

Iginiit ni Edillion na ang P10,000 buwanang budget ay ‘hypothetical figure’ lamang.

Aniya, hindi sinabi ng NEDA na P10,000 lamang ang kinakailangan ng pamilyang may limang miyembro para mamuhay nang disente.

Paliwanag niya, ipinakikita lamang nito kung paano pinagkakasya ng pamilyang may limang myembro ang P10,000 sa isang buwan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Dagdag pa ng opisyal, patuloy pang pinag-aaralan ng NEDA kung magkano ang kinakailangan ng isang pamilya para mamuhay nang disente.     CONDE BATAC, VERLIN RUIZ

Comments are closed.