“ECONOMIC OFFENSIVE” STRATEGY NG PINAS VS PAGBAGSAK NG EKONOMIYA

Joey Sarte Salceda

DAPAT “economic offensive” ang estratehiya ng Filipinas upang mabisang labanan ang nakaambang pagbagsak ng ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, isa ring kilalalang ekonomista na upang manatiling nasa opensiba ang pang-ekonomiyang hakbang ng bansa ay nanawagan ito na pagtibayin agad ng Kongreso ang panukalang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act,’ na matagal nang nakabinbin sa lehislatura, at lalong pasiglahin ang implementasyon ng “Build, Build, Build program” ng pamahalaan.

Kaugnay ng kanyang panawagan, naglabas si Salceda ng isang ‘34-point manifesto’ na naglalayong isulong ang programang “Lupigin ang COVID-19” ni Pangulong Duterte.

“Kailangan ang tapang ng kalooban sa panahon natin ngayon. Hindi natin malulupig ang COVID-19 virus, at mapipigilan ang pag-urong ng ekonomiya kung tayo’y matatakot at magtatago, bagama’t nagawa na natin ang dapat gawin upang mapigil ang mabangis na pagsambulat nito,” pahayag nito.

Pinuna ni Salceda na sa kabila ng kakulangan sa kakayahan ng bansa, “ipinakikita ng mga ‘epidemiological models’ na napigilan ng mga mahigpit na ‘quarantine lockdowns’ ang tinatayang mga 3.5 milyong pagkahawa sa virus.”

“Panahon naman ngayon upang labanan ang pagbulusok ng ekonomiya natin,” dagdag pa nito kasabay ang paalaala na ang hindi seryoso at aktibong paglaban sa pandemya ay tiyak na hahantong sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

“Tiyak, hindi natin maililigtas ang bawat trabaho. Malaki na ang mga ipinagbago ng ekonomiya ngunit magagawa nating magsikap upang lumikha ng higit sa isang trabahong katapat ng bawat trabahong nawala, at maaaring sanayin natin ang mga mamamayan sa mga bagong trabahong lilikhain,” paliwanag nito.

Kaya’t muling nanawagan ang mambabatas na dapat maging batas na ang ilang mga panukalang nakabinbin pa sa Kongreso na naglalayong pasulungin ang “stable credit rating” ng Filipinas at lalong patibayin ang mga industriya at pangangalakal nito.

Sa ulat kamakailan ng Moody’s Investor Service, pinanatili ang “Baa2” ‘rating and stable outlook’ ng Filipinas para sa mga lokal at dayuhang nagpapahiram ng puhunan at ‘senior unsecured debts,’  bagaman  ibinaba nito ang ‘rating’ ng 18 ibang bansa at ginawang ‘negative’ ang 27 iba pa.

Ang “Baa2 rating” ng bansa ay nangangahulugan ng “mataas na tiwala sa kakayahan nitong makabayad sa ‘short-term’ na pagkakautang.”

Comments are closed.