ECONOMIC SABOTAGE VS 3 RICE SMUGGLERS

NAGSAMPA ang Bureau of Customs (BOC) ng apat na reklamong kriminal laban sa tatlong mangangalakal ng bigas nitong Setyembre 29 kasunod ng mga pagsalakay at imbestigasyon sa iba’t ibang bodega sa Bulacan kamakailan.

Noong Agosto 2023, natuklasan ng mga ahente ng BOC ang labag sa batas na inangkat na mga sako ng bigas sa Bulacan na nagkakahalaga ng mahigit P260 milyon.

Sa paglalatag ng probable cause, naglabas ang BOC ng mga warrant of seizure at detention laban sa mga subject warehouse para sa mga umano’y paglabag sa mga batas, panuntunan, at regulasyon ng Customs.

Kasunod nito, nitong Setyembre 29, ang BOC sa pangunguna ng Bureau’s Action Team Against Smugglers ay nagpresenta ng mga natuklasan nito at nagsampa ng kaukulang kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga may-ari at nagmamay-ari ng mga bodega dahil sa umano’y rice smuggling.

Kasama sa apat na reklamong kriminal ang mga paglabag sa Republic Act (R.A.) 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at RA 11203 o ang Rice Tariffication Law.

Sa kabuuang mga kasong isinampa, tatlo ang nauukol sa large scale smuggling na lumalabag sa R.A. 10845, na kilala bilang Anti-Agricultural Smuggling Act.