ECONOMIC TIES NG PH, OSAKA FIRMS PALALAKASIN

PATATATAGIN ang economic cooperation sa pagitan ng  Pilipinas at ng Osaka business community, tinanggap ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary and Board of Investments (BOI) Chairman Alfredo E. Pascual ang  delegasyon ng  Osaka Chamber of Commerce and Industry (OCCI) sa isang courtesy call sa DTI Secretary sa pangunguna ng chairperson nito na si Mr. Shingo Torii noong nakaraang Pebrero 19.

“The Philippine government stands ready to provide unwavering support, ensuring the growth of your businesses within our borders and facilitating access to key markets not only domestically but also across the region and the globe,” sabi ni Secretary Pascual, kasabay ng pasasalamat sa mga opisyal ng OCCI sa pagbisita sa Manila, na nagbibigay-diin sa tuloy-tuloy na economic relationship sa pagitan ng Pilipinas at ng Osaka, Japan.

Ang courtesy call ng mga opisyal ng  OCCI ay kasunod ng paglagda sa Memorandum of Understanding at paglulunsad sa ASEAN-Japan Business Promotion Platform nito sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).

“We are very happy that you are here to foster a long-standing partnership between your chamber and the Philippines. We hope to be able to promote the Philippines as an important investment destination for Japanese firms,” sabi ni Secretary Pascual sa mga opisyal ng OCCI.

Sa  umiiral na economic policies ng pamahalaan, binigyang-diin ni Pascual ang paglawak ng interes ng Japanese firms na mag-invest sa Pilipinas at palawakin ang kanilang operasyon, partikular para sa  manufacturing companies upang magdala ng supply chain participants para makumpleto ang  ecosystem para sa manufacturing ng Japanese products.

“We are optimistic about the future with our Japanese partners participating in the industrialization process. I’d like to reaffirm the commitment of the government for an inclusive business environment, particularly for foreign investments,” dagdag pa ng kalihim.

Pinuri ni Mr. Shingo Torii, chairperson ng OCCI at nagsisilbi ring vice chairman ng Suntory Holdings Limited ng kanyang pamilya, ang pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang  interes ng foreign investors. Partikular niyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay ng prayoridad sa talakayan hinggil sa pagpapalawak ng startup sector sa Pilipinas.

Isang solid partner ng  DTI, layunin ng OCCI na madagdagan ang partisipasyon ng Osaka-based companies sa Philippine manufacturing sector at sa supply chain nito. Ilan sa mga kilalang Osaka-based companies na nag-o-operate sa Pilipinas ay ang Showa Spring Co. Ltd, OB Kogyo, Ltd., Nipro Corporation, Sharp Corporation, at Panasonic Corporation, na nasa manufacturing at/o sales ng pressed component parts, precision plastic parts, medical, glass, pharmaceutical, at consumer electronic products.

Samantala, sinabi ni Trade Undersecretary Ana Carolina P. Sanchez sa mga delegado na umaasa ang Pilipinas na makausap ang mas marami pang small and medium enterprises mula sa Japan para sa mga karagdagang success stories hinggil sa pag-i-invest sa Pilipinas.

Ang business mission, na isinaayos ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) sa Osaka, ay sinimulan sa isang official engagement sa pagitan ng OCCI at PCCI, kung saan inilunsad ang Philippine desk ng ASEAN-Japan Business Promotion Platform sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding.

Ang OCCI delegation ay lumahok din sa  company briefing, site visit at factory tour sa Fastech Synergy Philippines, Inc. sa layuning maisulong ang business matching engagements sa pagitan ng Japanese at Philippine companies.

Ang mga serye ng engagements, na inorganisa ng PTIC Osaka para sa top-ranking OCCI delegation, ay nakalinya sa  mandato ng  DTI/BOI na makalikom ng investments at mapalawak ang  partisipasyon ng Japanese companies sa Philippine manufacturing supply chain at industrial ecosystem.