INAASAHANG makakarekober ang manufacturing output ng bansa sa Abril mula sa pagbaba noong Marso.
Sa isang Viber message sa Philippine News Agency noong Miyerkoles, sinabi ni Rizal Commercial Banking Corporation chief economist Michael Ricafort na ang pagbaba sa value at output ng manufacturing sector noong Marso ay dahil sa mas mababang bilang ng working days noong Holy Week.
Sa report na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang value of production index ay bumaba ng 1.7 percent noong Marso, isang reversal mula sa 9.1-percent expansion noong Marso ng nakaraang taon at sa 5.7-percent growth na naitala noong Pebrero 2024.
Bumaba rin ang volume of production index ng 0.8 percent mula 7.2-percent expansion noong Pebrero.
“More working days in April 2024 would lead to month-on-month recovery in manufacturing,” ani Ricafort.
Aniya, ang seasonal pick up sa economic activities noong summer season at ang pagsigla ng tourism activities sa buong bansa dahil sa mas magandang weather conditions para maglakbay ay makatutulong din sa pagrekober ng manufacturing.
Ayon kay Ricafort, ang manufacturing ay inaasahang lalago sa mga darating na buwan.
“[This is] signaled relatively higher manufacturing capacity utilization at above 75 percent in recent months,” aniya.
Base sa responding establishments, ang average capacity utilization rate para sa manufacturing sector ay nasa 75.3 percent noong Marso, bahagyang mas mataas sa 75.1 percent noong Pebrero.
(PNA)