(ECQ Checkpoint binangga ng truck) KAGAWAD, 2 HEALTH WORKERS NAPURUHAN

quarantine checkpoint

BUKIDNON-PATAY ang dalawang  barangay health workers at kagawad matapos salpukin ng 10-wheeler truck sa checkpoint sa Maramag.

Ang mga nasawi ay nakatalaga sa Community Quarantine Control Point sa Sayre Highway, Camp-1, Maramag, Bukidnon na nabunggo ng 10-wheeler truck.

Ayon kay Police B/Gen. Rolando Anduyan, Regional Director ng PRO 10 nangyari ang insidente pasado alas-10:00 ng gabi noong Huwebes.

Mabilis umano ang patakbo ng driver ng 10-wheeler truck na may kargang sugarcane at bumangga sa dalawang motorsiklo at isang multicab van na nakaparada sa quarantine checkpoint.

Sa lakas ng pagsalpok, tinamaan ang mga nakapuwesto sa checkpoint na sina Brgy. Kagawad Aldren Gaitera at mga health worker na sina Jomalyn Buhayon, Margie Maribao at Beth Lumanca.

Dahil sa takot, tumalon sa sinasakyang 10-wheeler truck at sinubukang tumakas ng driver subalit nahabol naman siya ng mga pulis.

Sa inisyal na mbestigasyon, lumalabas na nakainom ang drayber  na kinilalang si Jimuel Ompoc na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Naisugod pa sa ospital sina Buhayon at Maribao, pero sila ay agad na binawian ng buhay.

Namatay naman habang ginagamot sa ospital si Gaitera.

Nagpapagaling naman sa ospital si Lumanca matapos magtamo ng serious injury.

PAGTATAYO NG 200 METER PRE-CHECKPOINT INIREKOMENDA

Samantala,  upang hindi na maulit ang nangyaring trahedya,  iminungkahi ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan,  PNP Deputy Chief for Administration, ang paglalaan ng pre-checkpoint na may layong 200 meters.

Ito aniya ay upang masala na ng mga nasa checkpoint ang mga daraan kung private vehicle, public transport at cargos.

Sa pamamagitan ng pre-checkpoint ay malalaman na kung lasing ang driver o kaya naman ay natutulog habang nag-mamaneho at mapupukaw atensiyon nito.

“Mga 100 o 200 meters before checkpoint parang napukaw na ang driver at doon pa lang maga- guide na kung anong lane sila dapat,  and at the same time maiiwas sa disgrasya ang mga nasa checkpoint, ” paliwanag pa ni Cascolan. REA SARMIENTO/V.RUIZ

Comments are closed.