ECQ SA METRO MANILA PUWEDENG PALAWIGIN

INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ikinokonsidera ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapalawig pa ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ayon kay Año na siya ring vice chairperson ng National Task Force Against COVID-19, isa rin sa pinag-aaralan nila ang pagsasailalim na sa modified ECQ (MECQ) upang makapagbukas na ang mga negosyo.

“Ang choice natin puwedeng i-retain ang ECQ for another week or until the end of the month or puwedeng baba tayo sa MECQ para makapagbukas yung ibang negosyo,” ani Año.

Gayunpaman, sinabi ng kalihim na pagpupulungan pa nila ang quarantine classification ngayong Huwebes.

Giit ng DILG chief, wala nang pondo para sa ipamamahaging cash assistance para sa mga indibidwal na maaapektuhan ng ECQ kung sakaling palawigin pa ito.

Magtatapos ngayong araw ang ipinatutupad na ECQ sa Metro Manila upang hindi na kumalat pa ang hawaan sa Delta variant sa bansa. EVELYN GARCIA

7 thoughts on “ECQ SA METRO MANILA PUWEDENG PALAWIGIN”

Comments are closed.