ECQ SA METRO MAS MAGIGING ISTRIKTO – AÑO

MAS magiging istrikto ngayon ang ipatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila simula Agosto 6 hanggang 20 kumpara sa mga naunang ipinatupad na lockdown.

Ito ang paniniyak ni Interior and Local Go­vernment Secretary Eduardo Año, kung saan ang lahat ng mga lalabag sa ipinaiiral na minimum public health standards (MPHS) ng pamahalaan ay sisitahin muna ng mga pulis at kung hindi tatalima ang mga ito sa instruksiyon na ibibigay sa kanila ay agad silang aarestuhin.

Papatawan rin umano ang mga ito ng parusa base sa ipinatutupad na mga ordinansa na inilabas ng mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ng kalihim na magpapakalat rin sila ng mga police personnel sa mga lugar na madalas na maraming tao at nagkaroon na ng mga dating paglabag.

“Mas mahigpit tayo ngayong ECQ na ‘to. Ang tawag nga natin hard lockdown… Kung may makikita diyan [na violator], talagang aarestuhin ng ating mga pulis,” ayon pa sa DILG chief sa isang panayam.

Matatandaang umapela ang mga alkalde ng Metro Manila na isailalim muli ang rehiyon sa ECQ upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19.

Sinabi ni Año na sa panahon ng ECQ, target ng pamahalaan na makapagturok ng hanggang apat na milyong bakuna sa Nation Capital Region (NCR) para maprotektahan sila laban sa COVID-19.

Daragdagan rin umnao ang kapasidad ng mga healthcare facilities gaya ng mga intensive care units (ICUs) at isolation centers upang makatanggap ng mas mara­ming pasyente.

Tiniyak rin ng kalihim na higit pa nilang paghuhusayin ang isinasagawang contract tracing at isolation ng COVID-19 cases upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus.

Sinabi ni Año na ang orihinal na mungkahi ng mga eksperto ay magpatupad ng apat na linggong hard lockdown sa rehiyon ngunit dahil sa inaasahang magi­ging impact nito sa ekonomiya ay nagpasya ang pamahalaan na gawin na lamang itong dalawang linggo.

Dagdag ng DILG chief, matapos ang ECQ ay ia-assess ng pamahalaan ang COVID-19 situation upang matukoy kung kakailanganin pa itong palawigin o hindi na. EVELYN GARCIA

5 thoughts on “ECQ SA METRO MAS MAGIGING ISTRIKTO – AÑO”

  1. 107991 373545An fascinating dialogue is value comment. I feel that its very best to write extra on this matter, it may not be a taboo topic nevertheless typically folks are not enough to speak on such topics. Towards the next. Cheers 358290

Comments are closed.