INILABAS na nitong Disyembre 2023 ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) kaugnay sa comparative survey na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), na sumusuri sa academic performance, skills, and knowledge ng mga 15-taong gulang na mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Ang nakalulungkot, sa ikalawang pagkakataon, kabilang pa rin ang Pilipinas sa nakakuha ng pinakamababang score sa buong mundo. Sa kabuuang 81 bansa na sumailalim sa survey, nakuha natin ang ika-77 puwesto at pangalawa sa pinakamababa sa mga ASEAN countries. Isang hakbang lang ang inilamang natin sa bansang Cambodia.
Dagdag pa rito, pang-anim mula sa pinakamababa ang ating mga mag-aaral sa larangan ng reading at mathematics; pangatlo sa pinakamababa sa skills in science. Bagaman masasabing tumaas tayo nang kaunti sa mga aspetong ito mula sa 2018 PISA, hindi pa rin ito nakatutuwa, sa totoo lang. Walang halos ipinagbago, gayong apat na taon ang naging pagitan ng PISA survey.
Kung sabagay, bago pa man lumabas ang resulta ng PISA 2022, nagpahayag na ang DepEd na hindi sila umaasang makapagrerehistro tayo ng “good” scores.
Isaalang-alang natin ang naging kalagayan ng ating mga mag-aaral sa mahigit dalawang taong pandemya, kung saan apektado talaga ang pag-aaral ng mga estudyante.
Bagaman ipinamumukha sa atin ng 2022 PISA results na talagang napakalaki ng problema ng Philippine education system, marami sa sektor ng edukasyon ang hindi na nagulat pa sa kinalabasan ng survey. Masasabi na raw kasing may namumuong krisis sa ating sistemang pang-edukasyon kahit pa ilang beses nang sinubukang resolbahin ito mula pa noon.
Ang paglulunsad ng Second Congressional Commission on Education or EDCOM 2 noong Enero 2023 ang panibagong hakbang na binuo ng pamahalaan upang bigyang solusyon ang problema natin sa edukasyon. Matapos ang isang taon at ilang buwan makaraang lumabas ang resulta ng 2022 PISA, naglabas din ng report ang EDCOM 2: ang Miseducation: The Failed System of Philippine Education.
Sa naturang report, detalyadong inilahad ng EDCOM 2 ang mga dahilan kung bakit patuloy na sadsad ang sitwasyon ng edukasyon sa bansa.
Isa sa nilalaman ng ulat ng EDCOM 2 ay nagsasabing, “the education system as a whole is not working well.” Ang malaking pagkukulang na ito ang isa sa mga ugat ng “miseducation” ng ating mga mag-aaral—dahilan kung bakit nabuo ang mga krisis na ito.
Kung inyong matutunghayan ang pag-aaral ng EDCOM 2, ipinamumulat nito ang napakalaking kakulangan sa pagpapalakas sa ating education system, sa kabila ng mga kaukulang pondo na inilalaan sa sektor. Halimbawa na lamang, 27 textbook titles lamang ang nabili natin para sa Kindergarten hanggang Grade 10 mula pa noong 2012. Bagaman sa pagitan ng mga taong 2018 hanggang 2022 ay nakapaglagak tayo ng P12.6 bilyong pondo para sa edukasyon para sa textbooks and instructional materials, P4.5 bilyon lamang (o 35.3%) lamang ang nai-obliga, habang P952 milyon (7.5%) ang aktuwal na na-disburse.
Bilang chairperson ng Governance and Finance Standing Committee ng EDCOM 2, partikular na binigyang-pansin natin ang staffing levels ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sapagkat hindi nila nagagampanan ng maayos ang kanilang mga responsibilidad.
Sa kasalukuyan, marami nang inihahandang hakbang ang gobyerno para maresolba ang mga nakitang problema sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Sa kanyang Basic Education Report 2024, espisipikong tinukoy ni Bise Presidente at Education Secretary Sara Duterte ang napakaraming inisyatibo na ipinatutupad na ngayon ng DepEd tulad ng revised K-10 MATATAG Curriculum, at ang pag-alis ng administrative workload sa mga guro.
Bilang tayo ay chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating nakapaglaan tayo ng kaukulang pondo sa ilalim ng 2024 budget upang maresolba ang mga nakitang problema ng EDCOM 2. Kabilang sa mga pinondohan ang tulong para sa mga nutritionally at-risk mothers, ang pag-empleyo ng mga karagdagang assessors sa TESDA at training para sa child development workers and teachers.
Napakalaki ng nakita nating problema sa ating education system. Pero kung magtutulungan ang pribado at pampublikong sektor para bigyan ng solusyon ang mga suliraning ito, siguradong magkakaroon tayo ng pag-asang maiangat ang antas ng edukasyon sa bansa.