MULING bubuksan sa mga motorista ang Epifanio de los Santos (Edsa)- Kamuning flyover sa Quezon City ngayong Sabado, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni DPWH Quezon City 2nd District Engineer Eduardo Santos na ang lahat ng tatlong lanes ng southbound direction ng flyover ay madadaanan na simula alas-5 ng hapon.
Ang flyover ay muling bubuksan matapos ang isang buwang major repair works.
Sinimulan ng DPWH ang pagkukumpuni sa 527.15-meter stretch ng ibang bahagi ng flyover noong nakaraang buwan.
“We are happy to report that we were able to deliver on the given 30-day timetable despite the intermittent rain showers experienced in the past weeks,” pahayag ni Santos sa isang statement.
Noong June 25 ay isinara ang southbound lanes ng infrastructure upang bigyang-daan ang agad na pagkukumpuni makaraang maobserbahan ang malalaking cracks at potholes.
Kasunod ng biglang pagsasara ng Kamuning flyover, iniutos ni DPWH-National Capital Regional Director Nomer Abel Canlas ang masusing pagsusuri sa major bridges at flyovers sa buong Metro Manila, lalo na ang matatagal nang istruktura.
Ang Kamuning flyover ay itinayo noong 1992.
PNA