KAPANSIN – PANSIN na halos wala nang gustong sumama sa paggunita sa EDSA People Power noong mga nakaraang taon.
Higit tatlong dekada matapos ang popular na Edsa People Power Revolution taong 1986, ano na ba ang napala ng mamamayang Filipino?
Ang mga proyektong isinakatuparan ng mga sumunod na pangulo pagkatapos ni yumaong Pangulong Ferdinand Edralin Marcos ay pawang mga hango sa plano ng nasirang presidente. Wala talagang bago, walang na-introduce na orihinal mula sa mga sumunod na pangulo, mula kay Cory Aquino hanggang kay Noynoy Aquino.
Panahon ni Cory hanggang kay Noynoy, walang makatotohanang agrarian reform program, ang mga magsasaka ay nanatiling biktima ng mga sindikato sa Department of Agriculture at Aduana, ang crime rate ay lalo pang tumaas, naghingalo ang pelikulang Filipino, ang kalidad ng edukasyon mula sa pampublikong mga paaralan ay lalong bumagsak dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan at mga guro, mabagal na pagtatayo ng mga imprastraktura samantalang matagal nang naihain ni Pangulong Marcos ang blue-print para sa mga ito.
Maraming lugar sa Mindanao ay nanatiling magulo kung saan parang walang batas na umiiral at nanatiling kanlungan ng mga terorista at kriminal, mas maraming kabataan ang palaboy-laboy sa mga lansangan, mas pinahirap pa ang mamamayan dahil sa napakataas na buwis na ipinapataw sa taumbayan, ang mga makina sa National Printing Office ay mga panahon pa ng Hapon, walang habas na pagwasak sa bundok at kagubatan, korupsiyon mula sa pinakamatataas na opisina sa pamahalaan hanggang sa lebel ng clerk, matinding trapiko sa Metro-Manila na number 1 na sa buong daigdig, brain-drain, kagutuman at malnutrisyon ay hayag na hayag sa buong bansa, mula sa siyudad hanggang kanayunan.
Napakamahal na ng galunggong, naging pinakamapanganib sa ilalim ni Noynoy ang bansa kumpara sa mga lugar sa buong daigdig para sa mga mamamahayag, bagsak na halaga ng piso, sumasabog na populasyon sa mga urban center, lumalang polusyon sa Metro Manila, bumabaw na antas ng entertainment ng masang Filipino, nabuburang magagandang kaugaliang Filipino, matinding mga pagbaha sa Metro Manila, dumaming dispalinghadong mga kontratang pinapasok ng pamahalaan, dumagsang political killings, naaagnas na pananampalataya ng mamamayan sa simbahan na pumasok na din sa larangan ng politika, dumaming mga walang disiplinang mga driver sa mga lansangan, hayagang ilegal na mga gawain, political dynasty, mga industriyang naghihingalo dahil sa mga batas at prosesong sumisikil sa mga ito, pinahinang sandatahang lakas at demoralisasyon sa hanay ng kasun-daluhan bunga ng korapsiyon sa ilalim ni Noynoy, at marami pang iba.
Saan nga ba nagkamali ang EDSA? Ang Cory to Noynoy decades? Bakit walang naipakulong na mga mastermind sa pagpatay kay Ninoy Aquino? Bakit hindi pa nabayaran ang mga biktima ng human rights violations noong panahon ng diktadurya? Saan muna nagsimula ang EDSA?
Para ba talaga sa taumbayan o dahil sa kiskisan sa Sandatahang Lakas dahil sa isyu ng promosyon sa hanay ng kasundaluhan noon na marami ang na-bypass. Sumugal ang taumbayan sa kudeta nina Fidel V. Ramos at Juan Ponce Enrile sa pag-asang mababago na ang bansa tungo sa pag-ahon sa kinasasadlakang kahirapan, ngunit ano ang nangyari?
Comments are closed.