NOONG nakaraang araw, may nag-forward ng isang video sa akin kung saan tila isang ‘ad campaign’ upang palitan ang ating 1987 Philippine Constitution. Dito sa nasabing video, binatikos ang ating kasalukuyang Saligang Batas. Mas pinapaboran umano ang mga mayayaman kaysa sa mga mahihirap. Ang sektor ng agrikultura ay tila mas pinahirapan ang mga magsasaka at mas pinaboran ang mag -angkat ng produktong agrikultura sa ibang bansa na monopolyo raw umano ng mga pinapaboran na mga negosyante.
Pati ang sistema ng edukasyon daw ay nanigas at bumaba ang antas ng kalidad ng kaalaman ng ating mga kabataan dahil sa ating Saligang Batas. Napapanahon daw na palitan ang ating 1987as,MAGKAPE MUNA TAYO ULIT Constitution.
Ang biglang pagpapalabas ng nasabing video ay kahina-hinala. Hindi man aminin ng mga ilan na magtatanggol ng nasabing video ng EDSA Puwera, subalit sa titulo pa lamang ay nakikita na natin na isang hakbang ito upang tanggalan ng saysay ang 1986 EDSA People Power Revolution.
Ano ang koneksyon sa paggamit ng ‘EDSA’ Puwera sa 1987 Constitution? Bakit kailangan pang gamitin ang salitang ‘EDSA’ upang ihayag ang kamalian ng ating kasalukuyang Saligang Batas?
Ang salitang ‘EDSA’ ay konektado sa pagpapatalsik ng rehimeng Marcos noong 1986 at ang pamilya Marcos ay nakabalik muli sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkapanalo ni BBM bilang pangulo ng ating bansa. Heto pa. Bakit tinaon itong EDSA Puwera kung saan sa susunod na buwan ng Pebrero, muling gugunitain natin ang ika-38 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution? Hmmmm…nakakaamoy ako ng adyenda dito ha!
Ang aking pananaw sa nasabing paksa ay may bahaging katotohanan. Sang-ayon ako na may mga butas ang 1987 Constitution. Ang tawag ko nga sa 1987 Constitution ay ‘vindictive’. Ang mga gumawa ng nasabing Saligang Batas noon ay may halong poot at paghihiganti sa napatalsik na rehimeng Marcos.
Hindi ako pabor sa ginawa nilang termino kung saan ang Pangulo ay may anim na taon na paglilingkod at hindi maaaring mahalal muli. Eh kung makahanap tayo ng magaling na lider?
Tinanggalan ng karapatan ang sambayanan na magkaroon ng pagkakataon na ipagpatuloy ang serbisyo ng isang pangulo. Ang pagbigay ng anim na taon na termino ng senador at maaari muli mag-re-election. Kaya maaaring maging senador ng 12 years, samantala ang Pangulo ay nalimitahan lamang ng anim na taon! Eh ang pangunahing trabaho ng mga ito ay gumawa ng batas. Ang Pangulo ay ang pamamalakad ng ating bansa. Ano ang mas mahalaga sa dalawa?
Pati sa mga lokal na opisyal. Ang dating apat na taon na termino ay ginawang tatlong taon lamang at maaaring mag re-election ng tatlong beses. Sa madaling salita, 9 years!
Pati ang tinatawag na party-list system na kasama sa 1987 Constitution ay inaabuso na. Sa kasalukuyang 19th Congress, mayroon tayong 55 party-list representatives kung saan ang iba sa kanila ay may hawig na representasyon ng sektor ng lipunan!
Ang 1987 Constitution ng Pilipinas ay naging ugat sa pagpapalawak ng political dynasty sa ating bansa. Ang nakababahala pa rito ay kasama ang anti-dynasty bill sa ating Saligang Batas, subalit hindi pa ito naipapatupad dahil ang Kongreso mismo ay hindi ina-aksyunan ito. 37 years na po ito!
Kaya naman ako’y napaisip kung ano ang nasa likod ng kampanyang EDSA Puwera. Ang layunin ba nito ay tunay na para sa mga Pilipino o ginagamit ulit ng mga nakaupo sa kapangyarihan upang baguhin muli ang kasaysayan ng ating bansa? Nagtatanong lang po.