HANGGANG sa kasalukuyan ay patuloy na binabantayan ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) at Quezon City Police District (QCPD) ang paligid ng Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala sa tawag na EDSA Shrine.
Ito’y matapos dumagsa rito ang mga sinasabing taga-suporta ng pamilya Duterte para magsagawa ng prayer rally.
Nitong Martes ng gabi dumagsa ang humigit kumulang sa 100 supporters ng pamilya Duterte at nagpalipas ng gabi sa likod ng EDSA Shrine subalit makalipas ang ilang Oras ay nabawasan din ito.
Habang tuloy-tuloy naman ang mga isinasagawang misa sa loob ng EDSA Shrine at nananatili ring normal ang daloy ng trapiko sa panulukan ng EDSA at Ortigas Avenue.
Kaugnay nito, nanawagan ang namumuno ng EDSA Shrine sa mga tao na nagtutungo para magsagawa ng kilos protesta na obserbahan ang katahimikan lalo na at sagrado ang lugar.
Ayon naman sa pahayag ni Rev. Fr. Jerome Secillano, kanilang papayagan ang mga tao basta sila ay magdasal.
Aniya, mahigpit nilang ipinagbabawal ang anumang kaguluhan dahil ito ay simbahan.
Kasabay nito, muling ipapanawagan ni Secillano ang pagkain, pag-inom, paninigaw, vlogging, pag-iingay at pakalat-kalat sa harap ng pintuan ng simbahan ay mahigpit na ipinagbabawal.
Magugunitang nagtipon-tipon nitong Martes ng gabi ang mga supporters ni Vice President Sara Duterte para kontrahin umano ang panunupil umano sa kanya ng mga mambabatas.
EVELYN GARCIA