#EDSA36

NGAYONG araw ay ipinagdiriwang ng Pilipinas ang ika-36 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Para sa maraming Pilipino ngayon, isang kuwento na lamang ang naganap sa EDSA. Ngunit marami pa rin sa atin ang nakakaalala sa mga nangyari noong mga panahong iyon na siyang nagbalik ng demokrasya sa bansa at sa mga Pilipino matapos ang mahabang panahon ng diktadurya.

Sa buong bansa, maraming aktibidad at mga pagdiriwang ang naganap nitong mga nakaraang araw at nakatakda para sa araw na ito. Ang iba’t ibang grupo at organisasyon ay may kanya-kanyang paraan ng pagdiriwang o paggunita sa rebolusyon sa EDSA. Isa na rito ang isang online exhibition na “Corazon C. Aquino: From Just a Woman to First Filipino Woman President” na nai-post kahapon, ika-24 ng buwan.

Ito ay matatagpuan sa Facebook page ng NHCP Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas, Casa Real.

Mayroon ding talakayan sa Zoom at FB Live ngayong araw sa ganap na ala-una ng hapon, ang “Edsa People Power: A National Symposium” na inihahandog ng Political Science Organization ng University of Makati. May misa at prusisyon naman sa Shrine of Mary, Queen of Peace (Our Lady of EDSA) ngayong araw. Sa Remedios Circle ay magkakaroon din ng isang candle lighting activity at maiksing prusisyon sa ganap na alas-sais ng gabi ngayong araw.

Ang anim na linggong selebrasyon, ang Dokyu Power festival, na magsisimula ngayong araw ay naglalayong magpalabas ng mga documentary films at maglunsad ng mga diskusyon tungkol sa Filipino people power. Unang palabas ay ang The Kingmaker ni Lauren Greenfield na itatanghal simula ngayong araw sa MOOV: https://moov.cinemacentenario.com Magkakaroon ng live forum, “May Power pa ba ang People?”, sa ganap na alas-kuwatro ng hapon.

Suspendido ang pagpapatupad ng number coding scheme mula 5:00 n.h. hanggang 8:00 n.g. ngayong araw. Special non-working holiday rin ito sa bansa.