EDUKASYON BUHUSAN NG PONDO NG LGUs

EDUKASYON-2

BINIGYAN-DIIN ni House Deputy Majority Leader at Biñan City Rep. Marlyn Alonte ang pangangaila­ngan na buhusan ng pondo ng local government units (LGUs) ang sektor ng edukasyon sa kani-kanilang nasasakupan.

Ayon sa lady lawmaker, bagama’t ginagarantiyahan ng Saligang Batas at siya rin namang tinutugunan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na ang mga programang pang-edukasyon ang magkaroon ng pinakamalaking parte sa national budget, hindi maikakailang kapos pa rin ang pondo ng pamahalaan para sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Isa sa nakikita ni Alonte na paraan para masolusyunan ito ay ang pag-aatas sa LGUs na palawakin ang paggamit ng mga ito ng kanilang Special Education Fund (SEF), sa pamamagitan na rin ng pag-amyenda sa ilang probisyon ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of1991.

Ang SEF ay mula sa 1 porsiyentong buwis na idinaragdag ng LGU para sa pagbabayad ng real property tax, na awtomatiko namang napupunta sa Local School Board (LSB) kung saan ang kabuuan nito ay maaaring umabot sa bilyong piso depende sa lawak at halaga ng lupain sa isang lokalidad, lalo na sa tin-aguriang ‘highly urbanized cities’.

Subalit sa itinatkda ng RA 7160, mayroong limitasyon ang LSB sa paggastos nito ng SEF at sa paniniwala ni Alonte, ito ang dahilan kung bakit hindi lubos na nakatutugon o naayudahan ng LGUs ang national go­vernment para sa pagpapabuti ng education program lalo na sa kanilang lugar.

“Ayon kasi sa Section 272 ng LGC, limitado lang ang gamit ng SEF sa ‘operation and maintenance of public schools, construction and repair of school building, facilities and equipment, educational research, purchase of books and periodicals, and sports development’,” sabi ng kongresista.

“As a result, the SEF is being underutilized in areas where the public education system could have been aided. So essentially what we want to happen is to make the entire SEF of all LGUs made available to all education projects worthy of funding. We want all LGUs to invest heavily in education, in the future of all our citizens,” dagdag pa niya.

Bunsod nito, inihain ng kongresista ang House Bill 4810, na nagsusulong na mapalawig ang sakop o maaaring paggamitan ng SEF kabilang na ang para sa gastusin sa libraries, pampasuweldo, allowances at iba pang benepisyo ng teaching and non-teaching personnel, pagpapasailalim sa competency trainings ng teaching personnel at sa operasyon ng alternative learning system (ALS).  ROMER BUTUYAN