MAYNILA – TAIMTIM ang paggunita ng mga kapatid na Muslim habang libo-libo ang nagtipon sa iba’t ibang panig ng bansa upang simulan ang pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong araw.
Sa Manila Golden Mosque sa Quiapo, ala- 5:00 ng umaga ay nagsimula na ang pang-umagang panalangin ng mga kapatid na Muslim.
Sinundan ito ng isang sermon mula sa Imam at sabay-sabay na humingi ang mga dumalo ng kapatawaran mula kay Allah sa mga nagawa nilang kasalanan.
Matapos nito, pinagsaluhan naman ng mga muslim ang mga nilechong baka at kambing na ipinamahagi naman sa mga mahihirap na kababayan.
Tinatayang nasa tatlo hanggang limang libong muslim din ang nagtipun-tipon sa Quezon City Memorial Circle maging sa Blue Mosque sa Taguig City.
Ang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ay isa sa mga haligi ng relihiyong Islam na nagpapaalala sa ginawang pagsasakripisyo ni Ibrahim sa kaniyang anak na si Ishmael upang maging kalugud-lugod kay Allah.
Dito rin isinasagawa ang taunang Hajj o Pilgrimage ng mga kapatid na Muslim patungong “Meccah” kapalit ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at pagtatamo ng biyaya mula sa dakilang lumikha.
Una rito, idineklara ng Malakanyang na pista opisyal ang Eid’l Adha bukas, Agosto 12 bilang pakikiisa ng pamahalaan sa malaking pagdiriwang na ito ng mga kapatid na Muslim. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.