EKONOMIYA APEKTADO SA SUMADSAD NA CHINESE AIRLINE

Xiamen Airlines

NASA 51 flights ang kinailangang kanselahin hanggang kahapon bunsod ng sumadsad na Chinese Airline na patuloy na nakaapekto hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa imahe ng Filipinas.

Sa ulat ng Manila International Airport Authority (MIAA), hanggang alas-7 ng umaga kahapon ay nasa pitong international at 44 domestic flights ang kinansela sanhi ng pagsadsad ng Xiamen Airlines sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Bagama’t balik-normal  na ang operasyon, maraming overseas Filipino workers ang nangangambang mawalan ng trabaho o maharap sa kasong kriminal dahil sa kabiguan nilang makabalik sa kanilang mga employer sa itinakdang araw dahil sa pagsasara ng main runway ng NAIA.

Batay sa ulat, may ilang  Saudi Arabia-bound OFWs ang nababahala kung  makababalik pa sila sa kanilang mga trabaho na dapat sana ay nagawa nila noong Biyernes ng hapon.

“Walang ginagawang aksiyon [ang mga awtoridad], puro palit ng boarding pass. Pupunta kami sa Immigration, walang nangyayari. Halos wala pa kaming tulog,” anang isang OFW na nagpahayag ng pangamba dahil mapapaso na ang kanyang exit visa.

“Ayokong abutan ng exit visa, makukulong ako roon sa Saudi Arabia dahil wala akong visa.”

Hiling ngayon ng MIAA sa airline companies na bigyang prayoridad ang OFWs para makaalis na ng bansa.

Pinayuhan naman ng MIAA ang mga apektadong pasahero na makipag-ugna­yan sa airline companies para sa rebooking at refund ng kanilang ticket.

Samantala, inanunsiyo ng Philippine Airlines na maaaring humingi ng refund ang mga apektadong pasahero  o i-rebook ang kanilang flights sa kanilang ticket offices sa buong bansa.

Sa ngayon ay hindi pinayagan ng CAAP ang piloto ng Xiamen na makaalis ng bansa.

Ngayong araw ay nakatakdang humarap sa CAAP ang piloto ng Xiamen Air Flight MF 8667 para sa gagawing imbestigasyon ng ahensiya.

Aalamin ng aviation authorities kung ang insidente ay dahil sa pilot error o sa tinatawag na force majeure.

Samantala, nais malaman ng MIAA sa Department of Transportation (DOTr) kung ano ang contingency plan nito sa  kaha­lintulad na insidente at kung may sapat bang kagamitan para mag-tow ng mga eroplano. VERLIN RUIZ

Comments are closed.