EKONOMIYA AT NEGOSYO, APEKTADO SA PAGTAAS NG BILIHIN

Erick Balane Finance Insider

KALIWA’T-KANAN ang reklamo ng sambayanan sa pagpasok ng taong 2020 matapos magtaasan ang mga pangunahing bilihin, materyales sa konstruksiyon, ang biglaang pagtaas ng krudo at kasabay naman ng pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar sanhi ng US-Iran war.

Ang pagtaas sa pres­yo ng mga pangunahing bilihin ay sinasabing dahil umano sa pagsadsad ng piso kontra doyar na bahagi ng ‘domino-effect’ ng inflation partikular sa presyo ng mga delata dahil ang mga materyales na gamit sa paggawa nito ay binibili mula pa sa labas ng bansa, ayon mismo sa mga manufacturer ng mga delatang sardinas.

Paliwanag ni Marvin Lim, presidente ng  Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP), ito ang posibleng maging dahilan nila para magtaas ng presyo sa mga ibinebentang delata sapagka’t mula pa sa ibang bansa o imported ang mga raw materials na gamit nila sa paggawa ng mga delata.

Kamakailan ay nagsara naman sa P54.13 ang halaga ng Philippine peso laban sa US$1 dollar at ito ay itinuturing na pinakamalaking halaga ng piso sa kasaysayan ng ekonomiya ng bansa.

Nasorpresa rin ang publiko sa biglaang pagtataas sa presyo ng krudo sa pagpasok ng taong 2020 base naman sa dikta ng international market na ayon sa pagtataya ng mga oil industry experts, mula P1.10 hanggang P1.20 ang itinaas sa presyo ng diesel habang sa kerosene ay mula P1 hanggang P1.10.

Sumabay pa ang iba’t ibang transport group na nag-file ng fare increase para gawing P11 hanggang P12 ang taripa sa pasahe mula sa kasalukuyang P9 para sa pampasaherong jeep. May katulad ding plano sa pagtaas ng taripa ang mga buses, tricycle, taxi at maging ang mga service motorcycles taxies, pati na rin sa mga trains ng LRT-MRT at toll fees sa mga highways.

Una nang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, ng National Economic and Development Authority (NEDA), na noong nakalipas na taon ay halos naging kasing-bilis ng Filipinas ang paglago ng ekonomiya ng China kung saan nahigitan pa natin ang bansang Indonesia. Pero nagulat ang lahat sa nangyari ngayong 2020 nang tila kabaligtaran naman ang nangyayari ngayong taong 2020 nang biglaang magtaasan ang presyo ng mga bilihin at iba pang produkto.

Gayunman, paniwala ng mga ekonomista, ito ay  pansamantala lamang nagaganap at sa huli ay babalik din sa normal ang takbo ng ekonomiya ng bansa.

All-out-drive din sa tax campaign ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC), alinsunod sa utos ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez na pag-ibayuhin ang pag-kolek­ta ng buwis sa taong ito upang matugunan ang lahat ng gastusing pa­ngangailangan ng Duterte administration, partikular sa pet-project nitong Build Build Build Program.

Sinabi ni BIR Deputy Commissioner for Ope­rations Arnel Guballa na alinsunod sa kautusan ni Secretary Sonny Dominguez kay Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ay sunod-sunod ang isasagawa nilang “Oplan Kandado” at pag­lulunsad ng iba’t ibang tax campaign ngayong taong 2020 para hikaya­tin ang taxpaying-public na magbayad ng tamang buwis.

Itinanghal namang ‘top collectors for 2019’ ng DOF ang BIR  Region 11 sa Iloilo City matapos nitong makuha ang target tax collection goal sa leadership ni Iloilo BIR Regional Director Ric Espiritu matapos makakolekta ng P9,440,573,665.91 mula buwan ng Enero hanggang buwan ng Disyembre, 2019. Ito ay nag-increase ng P1,788,665,181.68 o 18.95 percent o nahigitan ang iniatang na tax collection goal na P11,120,690,000.00.

Kaugnay nito, may inihanda ring major revamp sa BIR at BOC ang finance chief para pag-ibayuhin ang pagkolekta ng buwis para makuha ang mga itinakdang tax goal sa dalawang collecting agencies ng bansa.

Sa bahagyang pagbagsak ng ekonomiya sanhi ng inflation, sinabi ni Secretary Pernia na malaki pa rin ang tsansang makabawi sa paglago ng ekonomiya ang bansa, lalo na    kung pag-iigihin ng BIR at BOC ang pangongolekta ng buwis ngayong 2020 fiscal year.

Ayon naman sa Develomnent Budget Coordinating Committee (DBCC), prediksiyon nila na makolekta ng BIR at BOC, kundiman ay malampasan pa ang kani-kanilang target tax goal ngayong 2020 fiscal year.



(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected])