EKONOMIYA, MSMEs BABANGON SA E-COMMERCE

TATAK PINOY

MULA nang hagupitin tayo ng pandemya ng COVID-19, mabilis na bumulusok ang ating ekonomiya. Maraming negosyo ang nagsara, o nagtigil-operasyon at maraming trabahante ang nawalan ng hanapbuhay.

Nakalulungkot na sa halos isang iglap, ang lumulusog sana nating ekonomiya ay nanamlay at patuloy na naaapektuhan dahil sa pandemyang ito.

Ngayong taon, bagaman unti-unti tayong nakababangon, wala pa ring katiyakan ang kalusugan ng ating ekonomiya. Hindi pa nagbabalik sa dating sigla ang kalakalan dahil hanggang ngayon, patuloy ang banta ng COVID-19.

Dahil dito, tayo po ay nananawagan sa mga nagnenegosyo, lalo na sa mga ‘di kalakihang businesses na pasukin natin ang online o digital operation. Totoong nakakapanibago ito, pero maaari pa ring mapanatili ang competitiveness natin sa pamamagitan nito at malaki ang maitutulong ng ganitong sistema para mapalakas  natin ang ating ekonomiya.

Inaasahan man ng pamahalaan ang tiyak na pagbangong muli ng ekonomiya ngayong taon mula sa sadsad na kalagayan noong 2020, mananatili pa ring mabagal ang prosesong ito dahil patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga restriksyon sa populasyon. Isa pa, wala pa rin tayong bakuna hanggang sa kasalukuyan.

Bagaman gusto nating makita ang muling paglusog ng ating ekonomiya, kailangan pa rin tayong maging maingat dahil hindi nawawala ang banta ng COVID-19. Bukod sa virus na ‘yan, narito na rin ang panibagong bersiyon nito – ang B117. Kaya gustuhin man nating bumalik sa normal, talagang napakaimposible pa. Kumbaga sa kalaban, nagtawag pa siya ng kakampi para magulpi tayo.

Hindi madaling baklasin ang mga ipinatutupad na restriksyon sa kasalukuyan, dahil kaillangan nating masiguro ang ating kaligtasan. Mas hindi gagalaw ang ekonomiya kung marami sa atin ang tatamaan ng karamdamang ito.

Nitong 2020, sa isang ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay bumagsak ang Philippine economy ng hanggang 9.5 percent. Dahil ‘yan sa ilang buwang lockdowns. At dahil sa lockdowns, talagang nakita nating parang tumigil ang ikot ng mundo ng ating ekonomiya.

Ngayong 2021, sa pagsisikap ng gobyerno na maibangon ang ekonomiya, inaasahan nilang mag-bounce back ito nang mula 6.5% to 7.5 percent.

At isa sa mga paraang maaaring makatulong sa economic activity natin ay ang ating micro, small and medium enterprises o MSMEs.

Sa pamamagitan ng kanilang pakikilahok sa dumaraming online businesses, makatutulong ito kahit paano sa ating pagbangon .

Itong mga kababayan nating nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, panawagan natin sa kanila, subukang sumuong sa online businesses. Kahit maliliit na business lang, maaari po ‘yang lumago sa pagsisikap.

Sa katunayan, ayon sa Department of Trade and Industry o DTI, tumaas sa 88,000 ang mga nagparehistrong MSMEs bago pa natapos ang 2020. Bago tayo hinagupit ni COVID, ang rehistradong online businesses sa bansa ay 1,700 lamang.

Uulitin lamang po natin, para makatulong tayo sa ating ekonomiya, maaari nating pasukin ang digital o online busi-nesses. Hindi lamang ang ekonomiya ang mapapalago natin, kundi maiaangat din natin mula sa sadsad na kahirapan ang mga kababayan nating nawalan ng kabuhayan nang dahil sa COVID.

Comments are closed.