HINDI magkakaroon ng impact sa ekonomiya ng bansa ang pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes A. Sereno sa Korte Suprema, ayon sa Department of Finance (DOF).
Ayon kay Finance Secretary Carlos G. Dominguez III, hindi niya nakikitang maaapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas sa naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na sibakin sa puwesto si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.
“I don’t think so,” wika ni Dominguez.
Noong Biyernes ay nagpasiya ang Korte Suprema, sa botong 8-6, na paboran ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida noong Marso 5.
Nauna na ring ipinaliwanag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon M. Lopez na ang mga nagaganap sa hudikatura ay hindi makaaapekto sa kumpiyansa ng mga investor sa bansa.
Ang mga sumang-ayon sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Noel G. Tijam ay sina Associate Justices Teresita J. Leonardo-de Castro, Lucas P. Bersamin, Francis H. Jardeleza, Samuel R. Martires, Andres B. Reyes Jr. at Alexander G. Gesmundo.
Tumutol naman sina Senior Associate Justice Antonio T. Carpio at Associate Justices Presbitero Jose Velasco Jr., Mariano C. del Castillo, Estela M. Perlas-Bernabe, Mario Victor F. Leonen at Alfredo Benjamin S. Caguioa.
“The President, the Vice President, the Members of the SC, the Members of the Constitutional Commissions, and the Ombudsman may be removed from office on impeachment for, and conviction of, culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust,” nakasaad sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution.
Sinabi naman ni De La Salle University economics professor Maria Ella C. Oplas na ang pagpapatalsik kay Sereno ay hindi magkakaroon ng malaking epekto sa ekonomiya ng bansa dahil nangyari na dati ang katulad na kaganapan.
“My point is this happened before. This happened before with Corona so what’s new?” wika ni Oplas, patungkol sa impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Naniniwala rin siya na masaya ngayon ang business sector dahil sa magandang nangyayari sa administrasyong Duterte. REA CU
Comments are closed.