USAD-PAGONG pa rin ang ekonomiya ng bansa kahit nagbalik-operasyon na ang malaking bilang ng mga kompanya at negosyo matapos na isailalim sa general community quarantine at modified general community quarantine ang maraming lugar sa bansa, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, kaunti pa rin ang nagiging bentahan ng mga produkto at serbisyo sa bansa.
Ito, aniya, ang dahilan kung bakit lagi nilang ipinaaalala sa publiko ang kahalagahan ng pagtangkilik sa mga produktong gawang Filipino.
Paliwanag niya, malaki ang naitutulong ng pagbili ng mga locally produced product para sa mga lokal na kompanya.
Layunin din, aniya, ng inilunsad nilang “Buy Local, Go Lokal” na matulungang makabangon ang ekonomiya ng bansa na lubos na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Dagdag ni Lopez, inaasahan nilang sa ilalim ng kampanyang ito ay sisigla ang demand para sa mga produktong gawang Pinoy.
Sa suporta at pagtutulungan ng lahat ng Filipino ay kaya aniyang muling mabuksan at mapasigla ang ekonomiya ng bansa.
Comments are closed.