BULACAN — Isang eksibisyon para sa mga pamana ng mga Kadalagahan ng Malolos ang inilunsad nitong nakaraang araw ng Lingo sa Centro Escolar University-Malolos.
Bahagi ito ng pag-alaala sa Ika-133 taong anibersaryo ng petisyon ng mga Kadalagahan ng Malolos kay Gobernador Heneral Valeriano Weyler upang sila’y makapag-aral na inorganisa ng Women of Malolos Foundation Inc. o WOMFI at ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Ayon kay Bong Enriquez, pangulo ng WOMFI, ang pinakamabigat na pamana ng mga Kadalagahan ng Malolos ay ang edukasyon na tinatamasa hanggang ngayon ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino.
Kabilang sa eksibisyon ang mga larawan ng mga putaheng pagkain na ipinamana ng mga Kadalagahan ng Malolos tulad ng ensaymada, inipit, empanada de kaliskis, pastilyas at iba pang kaluto.
Tampok din ang Pamanang Kabuhayan gaya ng pagpoproseso sa paggawa ng tuyo, kaning tulo o balisuso at iba pa.
Naroon din ang mga replika ng kanilang mga pananamit, mga larawan ng mga naipreserbang pamamahay o tinirahan ng mga Kadalagahan ng Malolos sa Kamistisuhan District na nasa barangay Sto. Nino,
Ang eksibisyon ay bukas sa madla at tatagal hanggang sa Enero 2022. Kailangan lamang dalahin ang vaccination card na nagkukumpirma ng pagkakaroon ng dalawang doses na bakuna laban sa COVID-19.ANDY DE GUZMAN