ISABELA – UMAABOT na sa mahigit sa 50 ektaryang pananim ng palay sa bayan ng Angadanan at maaring madagdagan pa ang maapektuhan ng tagtuyot na sanhi ng sampung araw nang hindi pag-ulan sa buong lalawigan na ito.
Ayon kay Rolly Cabasag, residente ng Calaccab, Angadanan, Isabela, dahil sa sampung araw nang hindi umuulan sa kanilang lugar ay wala na umanong dumadaloy na tubig sa irrigation canal sa kanilang lugar na konektado sa irrigation main canal sa bayan ng Echague na mula sa pamamahala ng National Irrigation Administration (NIA).
Aniya, apektado ang pananim na palay sa kanilang bayan na maaaring sa susunod na mga araw kung hindi pa umulan ay hindi lang ang kanilang lugar ang maapektuhan ng tagtuyot.
Samantala, gumagawa na ng hakbang ang National Irrigation Administration (NIA) sa Isabela sa pamamagitan ng pag-operate ng kanilang pumping stations na alternatibong mapagkukunan ng tubig para sa mga apektadong sakahan.
Nangangamba na rin ang provincial government ng Isabela sa maaaring epekto ng tagtuyot sa libong ektarya ng mais kapag hindi pa umulan sa nasabing lalawigan.
Ang may pinakamalawak na taniman ng mais ay ang lungsod ng Ilagan, bayan ng Tumauini, Cabagan, Delfin Albano, Angadanan, Jones, at San Agustin, Isabela. IRENE GONZALES
Comments are closed.