SISIMULAN na ng Inter-Agency Task Force na kinabibilangan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) ang rehabilitasyon ng El Nido sa Palawan.
Ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, sa isinagawa nilang inspeksiyon sa El Nido ay natuklasan nilang overcrowded na ang lugar para sa mga lokal at dayuhang turista.
Gayunman, nilinaw nina Puyat, DENR Sec. Roy Cimatu at DILG Sec. Eduardo Año na bagama’t isasailalim sa rehabilitasyon ay hindi ipasasara ang El Nido tulad ng ginawa sa Boracay.
Ani Cimatu, indibidwal na ipasasara ang ilang establisimiyento na lumalabag sa environmental law.
Aniya, sa kasalukuyan ay umabot na sa 22 establisimiyento ang naipasara dahil sa mga paglabag.
Mahigpit namang tinagubilinan ng DILG ang mga lokal na opisyal na tiyakin na hindi mababalahura ang mga tourist spot sa kanilang lugar.
Comments are closed.