EL NIÑO-AFFECTED PROVINCES 41 NA LANG

MULA sa 50 ay nasa 41 na lang ang bilang ng mga lalawigan na apektado ng El Niño phenomenon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).

Sinabi ng Task Force El Niño na ginawa ng PAGASA ang update sa kanilang pinakahuling pagpupulong.

PAGASA also noted the reduction in the number of provinces affected by El Niño. From a total of 50 affected areas based on January 21, 2024 assessment to now 41 affected provinces,” ayon sa task force.

Sa kabila nito, sinabi ng task force na kailangan pa ring ipatupad ang mga paghahanda dahil sa tindi ng El Niño na maaaring magpatuloy hanggang sa second quarter ng taon.

Sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA, ang mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Masbate, Oriental Mindoro, Antique, Biliran, Capiz, Cebu, Eastern Samar, Guimaras, Iloilo, Leyte, Negros Oriental, Samar, Lanao del Norte, Sulu at Tawi-Tawi ay nakararanas ngayon ng dry condition.

Samantala, ang mga lalawigan na nasa ilalim ng dry spell ay ang Abra, Aurora, Bataan, Isabela, Metropolitan Manila, Occidental Mindoro, Quirino, Rizal, Zambales at Negros Occidental habang ang mga nasa ilalim ng drought conditions ay ang Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan at Pangasinan.

Tiniyak naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sapat ang  suplay ng tubig sa mga dam hanggang Mayo.

Samantala, patuloy na nagpapatupad ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga programa at aktibidad sa environmental protection sa community level, law and order, at fire safety.

Sa energy security, sinabi ng Department of Energy (DOE) na patuloy silang nagsasagawa ng interventions para matiyak ang sapat na suplay ng koryente.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng transmission projects, pagtiyak sa  integrity at reliability ng power grid, at paghimok sa electric power industry na aktibong makibahagi sa El Niño mitigation efforts.

Ang Task Force El Niño ay binuhay sa ilalim ng Executive Order (EO) 53, na nagkabisa noong Enero. 19.