ITINATAG ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang “El Niño Team” na layong tutukan ang pinangangambahang epekto ng tagtuyot na inaasahang makaka-apekto sa bansa sa huling bahagi ng 2023 hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na magpatupad ng whole of government approach sa pagtugon sa mararanasang El Niño phenomenon.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Raffy Alejandro, magkakaroon ng serye ng pagpupulong ang NDRRMC upang mapaghandaan ng husto ng pamahalaan ang inaasahang long dry spell sa bansa at magiging epekto nito.
Samantala, kabilang sa bubuo ng team ang mga sumusunod na ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government member agencies, ang Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department of Energy, Department of Health, Department of Science and Technology, OCD, National Economic and Development Authority, National Irrigation Administration at Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Tatayo naman bilang support team ang Presidential Communications Office, Department of Trade and Industry, National Water Resources Board at Armed Forces of the Philippines.
VERLIN RUIZ