TAGUIG CITY – HABANG nakatutok ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa seguridad at iba pang high-value target criminals ay ipinaalaala rin ng hepe nitong si Director Guillermo Eleazar sa kanyang district commanders na huwag pabayaang mamayagpag ang ilegal na sugal sa kalunsuran.
“Ipinag-utos ko na suyurin din ang mga kuta ng iligalista, lalo na ‘yung kinakaladkad ang pangalan ng NCRPO sa kanilang mga tiwaling gawain ‘tulad ng pagbu-bookies sa mga lehitimong laro gaya ng Small Town Lotteries,” pahayag ng NCRPO Chief.
Kanyang sinabi pa na ‘holistic’ ang programa ng pulisya sa Kapitolyo ng bansa hinggil sa pagtaguyod ng kaayusan at katahimikan sa bawat pamayanan, mula sa pagbantay laban sa posibleng terorismo, pagtugis sa mga halimaw ng lansangan gaya ng holdaper, kidnaper, karnaper at iba pang krimen laban sa buhay at mga ari-arian hanggang sa paglilinis ng mga iligalista tulad ng sugal at kaparehong paglabag sa batas at mga ordinansa.
Ang kautusan ng NCRPO chief laban sa ilegal na sugal ay bilang tugon sa napaulat kamakailan na mayroong mga nagpapatakbo ng jueteng sa ilang bahagi ng Metro south hanggang sa mga laylayan ng Kalakhang Maynila. THERESA BRIONES
Comments are closed.