ELEAZAR WALANG PIPILIIN!

Guillermo Eleazar

Paglilinis sa Metro police scalawags paiigtingin pa

WALANG sinasanto si NCRPO Regional Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa paglilinis sa mga tiwaling opisyal at tauhan ng kapulisan sa Metro Manila.

Patunay rito  ay ang pagsibak niya kamakailan kay Eastern Police District (EPD) Director Brig. Gen. Christopher Tambungan na nahuli sa CCTV na nanakit sa isang policewoman na hindi siya natulungan sa kanyang hinihiling. Si Tambungan ay pansaman-talang inalis sa kanyang puwesto habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon kaugnay ng insidenteng kanyang kinasasangku-tan.

“Anumang uri ng pananakit ng isang opisyal ng PNP sa isa pang pulis o kaninuman ay hindi katanggap-tanggap at lubhang nakakababa ng mo­ral ng organisasyon,” ani Eleazar sa isang panayam.

“Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon sa kasong ito subalit dahil sa CCTV footage na nagpapakita sa nangyari, iniutos ko ang pansamantalang pag-alis kay Gen. Tambungan sa kanyang puwesto hanggat ‘di pa tapos ang imbestigasyon. Ang resulta ng imbestigasyon ang magiging basehan ng aking rekomendasyon sa PNP chief,” dagdag pa ni Eleazar.

Ang suspensiyon ni  Tambungan ay ang pinakahuli lamang sa serye ng pagkilos ni Elea­zar upang linisin ang hanay ng kapulil-san sa opisyal at miyembro nitong lumalabag sa batas.

Kamakailan din lamang, iniutos ni Eleazar ang pagsibak sa Pasig City precinct commander matapos matuklasang marumi at nanggigitata ang presinto. Binigyan ni Eleazar ang precinct commander ng pagkakataong linisin ang presinto subalit nang balikan ito ni Eleazar makalipas lamang ang ilang araw ay walang nabago sa sitwasyon, dahilan upang iutos nito ang pagsibak sa precinct commander.

“Sa ating kampanya laban sa kriminalidad, pati sa trabaho natin, kasama rito na naglilinis tayo,” ayon kay Eleazar.” Sa internal cleansing natin, kasama na ang lahat–malinis na opisina, malinis na pag-iisip, at malinis na paglilingkod,” dagdag pa niya.

Kilala si Eleazar sa kanyang mahigpit subalit patas na pagpapatupad ng batas sa kapulisan, na sumasaklaw sa lahat ng aspeto ng police work.

Noon lamang Marso, pinatalsik niya sa puwesto sina EPD Director Chief Superintendent Bernabe Balba at Pasay City police chief Senior Superintendent Noel Flores—isang heneral at isang koronel- dahil sa pagkakasangkot ng kani-kanilang anti-drug units sa magkahiwalay na kaso ng extortion.

Noon namang 2018, sinibak din ni Eleazar ang 36 miyembro ng Las Piñas Police force drug unit dahil sa umano’y pangingikil. Ang kanilang hepe na si Senior Supt. Marlon Balonglong ay inalis din sa puwesto dahil sa command responsibility.

Ilan pang police officers ang pinatalsik din sa puwesto ng heneral  dahil naman sa iba’t ibang uri ng pag-abuso sa kanilang ka-pangyarihan.

Kabilang dito ang dalawang pulis na nahuli sa camera na sinisira ang side mirror ng isang taxi, isang pulis na nanampal ng isang bus driver sa Pasay City at tatlong pulis mula sa Manila sa Manila Police District (MPD) na nahuli sa extortion.

Ang walang humpay na pagkilos at matatag na liderato ni Eleazar ay uma­ni ng papuri mula sa iba pang opisyal at miyembro ng PNP at ng publiko. Hinangaan din ng mga ito ang walang takot na posisyon ni Eleazar na walang sinasanto kahit anupaman ang posisyon o ranggo sa serbisyo sa hangaring ganap na malinis ang kapulisan.

“Ang plano ko sa NCRPO ay palakasin pa ang internal cleansing,” ayon kay Eleazar kasabay ng pagbabahagi na bumaba ng 58% ang crime rate nitong mga nakalipas na buwan.

“Nararapat lang na ituloy natin itong pagbabalik ng tiwala ng ating kababayan at ang peace of mind na nararamdaman nila,” dag-dag pa niya.

“Kung maisusulong natin ang isang PNP organization na ganap na propesyunal, magiging madali ang pagsasaayos nito. Kasama rito ang pagiging epektibo natin sa lahat ng efforts na ating ginagawa, at lalong pagbaba ng krimen, at ang pagpapatagumpay natin dito sa campaign against illegal drugs,” ani Eleazar.

Comments are closed.