ELECTION HOTSPOTS SA CAVITE: 2 LUNGSOD, 3 BAYAN

kawit

CAVITE – KINOKONSIDERA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isailalim sa election hotspots ang dalawang lungsod at 3 bayan sa lalawigan ng Cavite na may posibilidad na magdulot ng kaguluhan sa nalalapit na May 9 national and local elections.

Pinangalanan ni DILG Cavite Provincial Director Lionel Dalope ang mga lugar na kinokonsiderang election hotspots ay ang Trece Martires City, Cavite City, mga bayan ng Kawit, Rosario at bayan ng Amadeo.

Nilinaw naman ni Dalope, ang nasabing mga lungsod at bayan ay nasa yellow category kung saan ay sinasabing much lighter classification.

Ang mga nasabing lugar na election hotspots ay may presensiya ng armed group o kaya imminent insurgency threat na may kaugnayan sa political rivalry.

Kasalukuyang minomonitor ng security forces ng pulisya at iba pang law enforcement units ang mga nasabing lugar para mapigilan ang anumang kaguluhan na may kaugnayan sa May 9 elections.

Ayon pa kay Dalope, isinailalim sa election hotspots ang 2 lungsod at 3 bayan dahil sa nakalipas na halalan ay may naganap na insidente kung saan kinakaila­ngan bantayan upang mapigilan ang anumang kaguluhan na maaaring madamay ang publiko sa panahon ng halalan.

Isa sa pangunahing trabaho at responsibilidad ng security forces ng PNP ay mapanatili ang peace and order, at ma­ging ‘apolitical’ ang isang police personnel. MHAR BASCO