ELECTION OFFICER SA SAMAR NILIKIDA

NORTHERN SAMAR-PINAIIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police (PNP) ang naganap na paglikida sa isang acting election officer sa bayan ng Lope de Vega sa Catarman sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Patay sa pamamaril si James Diaz Maghanoy,42-anyos acting election officer ng Comelec.

Ayon sa Catarman PNP , isang hindi pa nakikilalang gunman ang bumaril kay Maghanaoy sa may Barangay Somoge, sa Catarman Huwebes ng hapon.

Naganap ang krimen bandang ala- 5 ng kamakalawa ng hapon habang sakay si Maghanoy ng kanyang motorsiklo pauwi ng kanilang bahay.

Nagawa pang maitakbo ang biktima sa Northern Samar Provincial Hospital subalit, idineklarang nalagutan ito ng hininga habang nilalapatan ng lunas mula sa tinamong tama ng punglo sa ulo at katawan.

Si Maghanoy ang unang tauhan Commission on Elections (COMELEC) na nagbuwis ng buhay ilang buwan bago idaos ang 2022 National and Local elections.

Kasabay sa pagkondena ng COMELEC sa karumal- dumal na pagpatay ay hiniling nito sa PNP ang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon upang matukoy kung sino ang responsable sa pagpatay sa biktima. VERLIN RUIZ