BINALASA ng Commission on Elections (Comelec) ang mga opisyal nito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang lugar sa bansa, ilang araw bago ang May 9 national at local elections.
Kinumpirma ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia ang nasabing direktiba ni Comelec chairperson Saidamen Pangarungan dahil sa pangangailangan umanong maiayos ang pangangasiwa ng eleksiyon sa ilang mga lugar.
Bagamat hindi tinukoy ni Garcia ang eksaktong bilang ng binalasang election officers, marami aniya sa mga ito ang ginalaw o inilipat ng puwesto.
“Tungkol sa kung ilan po ‘yung bilang ng mga na-reshuffle o na-reassigned na election officer sa area ng BARMM at iba pang area po ng bansa ay babalikan ko po kayo sa bagay na ‘yan dahil medyo madami-dami rin ‘yung mga nalipat na mga election officers,” ani Garcia.
Nauna ang ipinahayag ni Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi na may ilang guro na nagpoprotesta na inalis ang kanilang mga pangalan sa listahan ng electoral board members at pinalitan ng ibang mga guro.
“Nagsalita ‘yung mga guro dahil ang sabi nila ‘yang ipapalit ninyo sa amin na mga Islamic teachers walang training ‘yan. Hindi ‘yan naisyuhan ng DOST certificate na nagpapatunay na qualified sila maging member,” ayon kay Sayadi. Jeff Gallos