(Election period arangkada na) GUN BAN, CHECKPOINTS UMIIRAL

checkpoints

SIMULA kaninang madaling araw (Enero 13, 2019) nagtatag na ng mga checkpoint sa mga stratehikong lugar ang Phil-ippine National police sa buong bansa kaugnay sa pagsisimula ng May 2019 Midterm election period.

Target nitong masawata ang anumang bantang kaguluhan, pagsabat sa mga may dalang baril, pampasabog at iba pang mga instrumento ng karahasan na maaring maging sagabal sa pagdaraos ng maayos at mapayapang eleksiyon.

Kahapon sa pamamagitan ni PNP- Directorial Staff, Deputy Director Archie Francisco Gamboa ay nagpalabas ng  Memoran-dum si PNP Chief, Director Gen. Oscar  Albayalde sa lahat ng  Regional Directors na nag-aatas na pangasiwaan ang sabay-sabay na checkpoint operations para sa 2019 midterm elections alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10468.

Base sa ibinabang Memorandum, inaatasan ang Regional Directors na magtatag ng checkpoint kahit isa sa bawat 1600 cities at  municipalities sa pakikipagkoordinasyon sa local COMELEC  Officer at Armed Forces of the Philippine  territorial unit sa  kani-kanilang nasasakupan.

Malinaw rin sa kautusan na dapat personal na pangunahan ng mga Regional Directors ang  kick-off of checkpoint operations na gagawing sabay-sabay sa buong bansa na sinimulan kaninang madaling araw, Enero13.

Kasabay sa simultaneous na paglulunsad ng election checkpoint operations ang mobilisasyon ng Regional and Provincial Election Monitoring and Action Centers na siyang mangangasiwa sa pagbabantay at pagtatala ng mga kaganapan at mga significant accomplishment na may kaugnayan sa 2019 Midterm Elections.

Ang 150-day election period na opisyal na nagsimula ngayong araw hanggang Hunyo 12 na siyang panahon din kung saan mahigpit na paiiralin ang Total Gun Ban.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang publiko na sa umiiral na gun ban ay kanselado na muna ang mga inisyung permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) kaya’t hindi na maaa­ring magdala ng mga armas sa labas ng tahanan, maliban na lamang yaong mabibigyan ng gun ban exemptions.

Aniya, mahigpit na ring ipinagbabawal ang paggamit ng mga kandidato ng security personnel at bodyguards maliban na lamang kung binigyan sila ng pahintulot ng Comelec.

Nabatid na may mga nakapuwesto na ring Comelec checkpoints sa mga strategic location na dapat ay maliwanag, bi­nabantayan ng mga unipormadong pulis at mayroon dapat impormasyong nakapaskil gaya ng contact number at pangalan ng pulis at election officer na in-charge sa lugar.

Ipinaliwanag naman ni Jimenez na gaya ng normal na checkpoint, hindi obligado ang mga motorista na buksan ang kanilang mga sasakyan.

Dapat din aniyang sundin ng mga awtoridad ang “plain-view doctrine” sa pagsasagawa ng checkpoint.

“They can look but they should not touch,” ani Jimenez.

Batay sa calendar of activities ng Comelec, ang election day ay nakatakda sa Mayo 13.

Ang senatorial aspirants ay maaari namang magsimulang mangampanya sa Pebrero 12 habang Marso 30 naman ang simula ng campaign period sa local candidates.

Ayon sa Comelec, magtatagal ang election period hanggang sa Hun­yo 12, 2019, na siya ring deadline para sa pag­hahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidatong lumahok sa halalan, nanalo man sila o natalo sa eleksiyon.

Gayundin, nagdagdag na ang Comelec ng mga lugar abroad na paglalagyan ng voting machine kaugnay ng absentee voting na magsisimula sa Abril 13.

Ani Jimenez, ang ka­ramihan dito ay sa Middle East.

May mga lugar pa naman aniya na idadaan sa koreo ang boto pero ma­ngilan-ngilan na lang ito.

Kasabay nito, inabisuhan din ng Comelec ang mga seaman na simu­la sa Abril 13 ay maari na rin silang makaboto sa pinakamalapit na Embahada ng Filipinas kung saan sila nakadaong. ANA ROSARIO HERNANDEZ/ VERLIN RUIZ

Comments are closed.