OPISYAL ng paiiralin ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapatupad ng total gun ban sa buong bansa kaugnay sa nalalapit na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Ganap na alas 12:00 ng hatinggabi, Lunes Agosto 28 inihudyat ang pagsisimula ng election period at gun ban para sa BSKE.
“Handang-handa na po ang Comelec. In fact, mapapansin n’yo po ‘yan, mamayang gabi po ay unti-unti nang magse-set up yung ating Philippine National Police ng ating mga checkpoint,” pahayag ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco kahapon kaugnay sa paiiraling gun ban sa bansa.
“By 12 midnight, ito po’y hudyat na nagsimula na ang election period pati na rin po ang gun ban para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections,” pagkumpirma ng COMELEC sa ipatutupad na gun ban ng mga government security forces .
Nabatid na pinasimulan na ng PNP kaninang hatinggabi ang pagse-set up ang ng mga checkpoint na inaasahang aayudahan ng AFP lalo na sa mga lalawigan na hudyat na nagsimula na ang election period.
Inaasahang din na magtataas ng alerto ang mga awtoridad sa pagsisimula ng campaign period sa darating na Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.
Habang simulang ngayon araw ay inaasahang nang magdadagsaan na ang maghahain ng kanilang certificates of candidacy (COCs) hanggang Setyembre 2 na isasagawa mula Lunes hanggang Sabado.
“Once nail-file po ang COC, awtomatiko po, agad-agad kayo’y ituturing na kandidato… Lahat po ng pagbabawal para sa election period, lumalapat na [po sa inyo], lalo na itong premature campaigning,” ayon sa Comelec.
Bukod sa pagpapairal ng gun ban ay mahigpit na ring ipinagbabawal ng COMELEC sa mga kakandidato ang pagdadala ng P500K o higit pa mula Oktubre 25 hanggang Election Day sa Oktubre 30.
“Kung hindi nila maipaliwanag kung para saan gagamitin iyan pong dala-dala nila na pera…d’yan po ia-assume namin na sila ay engaged sa vote buying,” pahayag naman ng taga pagsalita ng komisyon. VERLIN RUIZ/ EVELYN GARCIA