NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa National Electrification Administration na i-activate ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) bilang tulong sa electric cooperatives at power consumers na maaapektuhan ng bagyong Ompong.
Ito ay bilang paghahanda na rin sa inaasahang pananalasa ng bagyong Ompong na sinasabing pinakamalakas ng bagyo na tatama sa bansa, sa Cagayan ngayong umaga at magdadala ng malalakas na pag-ulan at hangin sa Northern at Central Luzon.
Ang tinukoy na tulong ni Gatchalian ay ang nakapaloob sa nilagdaang bagong batas, ang RA 11039 o Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund Act na magbibigay suporta at tulong pinansiyal sa panahon ng kalamidad.
Layunin ng panawagan ng senador na makapaghanda ang NEA para sa mabilis na pagpapalabas ng pondo upang agad na matugunan ang pagpapanumbalik at pagsasaayos ng power lines at iba pang power infrastructure na maaapektuhan ni ‘Ompong’.
Nakapaloob sa naturang batas ang P750 milyong pondo na maaaring ilaan sa paunang implementasyon nito na galing sa P7 bilyong budget ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF). Ang naturang budget ay dadaan sa NEA Quick Response Fund para sa maayos na pamamahagi sa mga kuwalipikadong electric cooperatives.
“I expect much of Northern and Central Luzon to be affected by widespread brownouts in the aftermath of Typhoon Ompong. NEA must work hand-in-hand with electric cooperatives to ensure the speedy restoration of electricity in these areas,” giit ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy.
“This is the first big test for the ECERF Law. The government and electric cooperatives must put it to good use. Ayaw nating madagdagan pa ang pasanin ng ating mga kababayan na maaapektuhan ng bagyong Ompong,” dagdag pa nito. VICKY CERVALES
Comments are closed.