ELECTRICAL LINEMEN ‘UNSUNG HEROES’ SA TYPHOON ODETTE

BINIGYANG pugay ni Senador Win Gatcha­lian ang pagpupursigi at walang pagod na pagsisikap ng electrical linemen at crew members na kadalasang hindi nabibigyan ng pagkilala sa mapanganib na serbisyong sinusuong nila sa pagkukumpuni ng mga nasirang poste upang maibalik ang suplay ng kuryente.

“Sa likod ng bawat electric utility ay isang pangkat ng mga manggagawang tumugon sa hamon ng trabaho na maaa­ring maglagay sa kanila sa peligro at handang ayusin ang power outages dulot ng mga kalamidad. Karapat-dapat silang bigyan ng pagpupugay sa agarang pagtugon sa serbisyo sa publiko,” ani Gatchalian.

Ayon pa sa senador, ang ganitong ipinamalas na pagsisikap ng mga tulad ni Ronald Gallarde, lineman ng Negros Oriental Electric Cooperative (Noreco) ay dapat kilalanin at para­ngalan dahil ibinuwis niya ang kanyang buhay para sa pagseserbisyo.

Si Gallarde, residente ng Tanjay City, Negros Oriental ay namatay noong Disyembre 25 nang makuryente habang kinukumpuni ang isang poste ng kuryente sa Barangay Tugas na nasira ng bagyong Odette.

“Ang kanilang pagtupad sa pangakong pagli­lingkod sa kanilang mga kostumer, kahit sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya, ay karapat-dapat papurihan dahil pagpapamalas ito hindi lamang ng kanilang dedikasyon sa kanilang trabaho kundi pati na rin ng kanilang sakri­pisyo. Ang mga insidenteng tulad nito ay pagpapatunay rin ng katatagan ng mga Pilipino sa gitna ng mga kinakaharap na ha­mon,” anang Senate Energy Committee Chairperson.

Sa inventory report ng Task Force Kapatid (TFK), isang grupo ng electric cooperatives (ECs) na itinatag upang tulungan ang iba pang ECs na nasa­lanta ng kalamidad, 859 na line workers at 150 boom trucks na ang rumesponde sa pangangailangan ng mga kostumer sa Region VI, VII, VIII, X, at CARAGA. Nasa 56 na katao naman mula sa Manila Electric Co. (Meralco) ang ipinadala sa Cebu simula noong Disyembre 21 kasama ang 11 boom trucks at mechanized equipment para tulungan ang Visayan Electric Co. (VECO) sa pagsasaayos ng mga nasirang distribution lines at maibalik ang kuryente sa lugar, ayon sa Department of Energy (DOE).

Ayon sa Philippine Rural Electric Coope­ratives Association Inc. (Philreca), puspusan ang pagkukumpuni ng TFK ng mga nasirang linya ng kuryente.

“Hindi nila nagawang ipagdiwang ang kapaskuhan kapiling ang kanilang mga pamilya dahil kinakailangan nilang tumugon at makatulong sa mga apektadong electric coo­peratives. Ang mga tinaguriang ‘warriors of light’ ang pinakamagandang ehemplo ng diwang bayanihan ng mga Pilipino. Kailangan nating magtulungan para makaahon tayo sa trahedyang ito,” ani Gatchalian.

Nanawagan din ang senador sa National Electrification Administration (NEA) na tiyaking naibibigay ang logistical needs ng TFK para mapabilis ang repair at rehabilitation works sa mga nasalantang lugar.  VICKY CERVALES