PATAY ang isang 45-anyos na electrician matapos mabagsakan ng generator set na may bigat na 1.5 tonelada sa loob ng compound ng isang building at engineering company sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Ang biktimang si alyas Arbolado, ay binawian ng buhay dahil sa grabeng tinamong pinsala sa freak incident na naganap sa compound ng kumpanya na matatagpuan sa San Miguel St., Brgy. Tandang Sora sa lungsod.
Batay sa imestigasyon ni PCpl Michael Angelo Barrera ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Police Station (PS-3), naganap ang aksidente dakong alas-10:40 ng umaga.
Habang binubuhat umano ni Arbolado at ng katrabaho ang generator set gamit ang backhoe ay nasira ang kadena na hawakan ng mga kagamitan.
Pagkaraan ay nahulog ang mga kagamitan sa biktima, na tumama kay Arbolado at sa kanyang kasama.
Dinala ang mga biktima sa Quezon City General Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Arbolado dakong 11:24 ng umaga.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
EVELYN GARCIA