IBINUNYAG ng Philippine National Police -Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) na karaniwang nabibiktima ng sindikato ng pornographiya ang mga mag-aaral na nasa elementarya at sa high school.
Ayon kay Col. Nicomedes Olaivar Jr. ng investigation division ng PNP-ACG, karaniwang idinudulog sa kanila ay mga online sexual abuse at marami sa mga nagpapasaklolo ay mga magulang ng mga kabataang babae.
Gayunpaman, mayroon din umanong batang lalaki na nasa grade school at high school ang nagiging biktima ng pang-aabuso sa online dahil na rin sa hinahayaan ng mga magulang na magbabad ang kanilang mga anak sa computer.
Sinabi pa ni Olaivar na lantad sa online sexual abuse sa mga kabataan lalo na sa panahon ng kuwarantina.
Nabatid na ang modus ng porno syndicate ay gumagamit ng dummy account, kukunin ang loob ng mga estudyante at magpapadala ng mga materyal na bagay upang makuha ang tiwala ng mga ito bago hihilingin ang malaswang gawain sa pamamagitan ng video call hanggang maging sunud-sunuran na dahil iba-blackmail kapag hindi sumunod.
Ang nasabing video call ang siyang pinagkakakitaan kapag ina-upload na at marami ang viewers nito.
Kaya’t hiling ni Olaivar sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak lalo na’t nakababad na ang mga ito sa computer dahil sa online class.
Aniya, kritikal ang panahon ito sa pagsasamantala ang mga cyber criminal na ang puntirya ay mga estudyante. EUNICE C
Comments are closed.