KAPWA nagpahayag ng suporta ang dalawang ranking officials ng Kamara sa alok ng San Miguel Corporation (SMC) na pagtatayo ng elevated expressway sa EDSA.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror, sinabi nina House Committee on Public Works and Highways Vice Chairman Romeo Momo Sr., na kinatawan ng Construction Workers Solidarity (CWS) partylist, at Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon na naniniwala silang makatutulong ang naturang panukala ng SMC upang masolusyunan ang patuloy na lumalalang problema sa daloy ng mga sasakyan sa nabanggit na 23.8 kilometrong main arterial highway ng Metro Manila.
“I think it is a good proposal but very hard to put on the ground, first there are existing structures in EDSA,” wika ni Rep. Momo nang hingan ng reaksiyon sa inihayag ni SMC president and chief operating officer Ramon S. Ang hinggil sa nakatakdang pormal na pagsusumite nila sa Department of Transportation (DOTr) ng plano para sa ‘10-lane elevated EDSA’.
Dagdag ng CWS partylist solon, sakaling maaprubahan at simulan ang konstruksiyon ng naturang proyekto, dapat ay nagagamit na ang Skywage Stage 3, Circumferential Road 6 o C-6 at maging ang ambisyosong Metro Manila Subway project.
Ayon kay Momo, ang pagsasara ng isa o dalawang kasalukuyang linya ng EDSA ay tiyak na magdudulot ng malalang trapiko kung kaya dapat ay handa at maayos na ang lahat ng alternatibong ruta bago isagawa ang proyekto.
Subalit malaki naman ang paniniwala ng partylist representative, na naging undersecretary for regional operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na kapag natapos ang proyektong nais gawin ng SMC ay malaking ginhawa ito para sa mga motorista at commuter sa EDSA.
Sa panig ni Biazon, vice-chairman ng House Committee on Appropriations at miyembro ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi nitong suportado niya ang balak ng SMC, partikular ang maging bahagi ng naturang elevated expressway project ang pagkakaroon ng ‘Bus Rapid Transit’ (BRT) system.
“I think an elevated EDSA should not be just a duplication of the current Edsa,” anang Muntinlupa City lawmaker. ROMER BUTUYAN